SALUDO kami sa katapangan at pagiging totoo ni Coco Martin. Kahanga-hanga ang ginawa niyang pakikipag-usap sa mga women’s group na tumuligsa sa ginawa niyang pagrampa sa underwear show ng Bench.
Kahapon, nasaksihan ng ilang miyembro ng entertainment media ang personal na pagharap at pakikipag-dialogue ni Coco sa mga opisyal ng Gabriela at ng Philippine Commission On Women na nanguna sa pagkondena sa production number ng Teleserye King ng ABS-CBN sa nasabing sexy fashion show.
Ipinaliwanag ng award-winning actor ang kanyang saloobin tungkol sa nangyari at kung paano siya naapektuhan ng kontrobersiya.
Naging maayos naman ang nasabing dialogue at sa huli ay tinanggap ng Gabriela at PCW ang pagso-sorry ni Coco. Parang nabunutan na raw ng tinik sa lalamunan ang aktor.
“Masaya na po ako ngayon at sa wakas, nagkapaliwanagan na kami. Inaamin ko po, after lumabas ang usaping ito, para sa akin, alam ko sa sarili ko, wala akong ginagawang masama, wala akong inaapakang tao, wala akong ginagawang mali.
“Pero sabi ko nga, inaamin ko na meron akong isang bagay na napabayaan o hindi ko napansin. Meron tayong responsibilidad sa bawat taong nanonood at humahanga sa atin.
Siguro hindi ko nakita yung malalim na aspeto. Nu’ng naintindihan ko ‘yun, sabi ko, ‘Oo nga. May lola ako, may nanay ako, may kapatid ako.
“Sabi ko, bakit sa dinami-dami ng…bakit ko napabayaan ang anggulong ‘yun, bakit hindi ko siya nakita na, nakakaapak na pala ako ng pagkatao, lalung-lalo na sa mga kababaihan.
Kaya nu’ng lumabas ang isyung ito, honestly, na-depress ako, at the same time, may effect na rin sa work, kasi naaawa na ang mga katrabaho ko, ang bigat-bigat ng loob ko habang nagtatrabaho ako,” paliwanag ng leading man ni Kim Chiu sa Primetime Bida series na Ikaw Lamang.
Kuwento pa ni Coco sa naganap na presscon kahapon, “Nu’ng medyo lumaki na po ang isyu, talagang nag-meeting kami ng manager ko, with Atty. Lorna Kapunan, alam ko na hindi ito basta-basta na showbiz issue, kung anu-ano na ang ibinabatikos sa akin.
Sabi ko, may responsibility ko bilang isang tao, hindi lang bilang artista, sa aking kapwa, lalo na sa mga kababaihan. “Pero hindi lang lang basta hihingi ng apology.
May nagsasabi kasi sa akin na huwag na akong magsalita, hayaan na lang, huwag nang sumagot para matapos na ang isyung ‘yan.
“Alam ko, hindi sapat ‘yun, kailangan kong i-clarify, kailangan akong ma-public apology, humingi ng dispensa sa lahat ng nagawa kong pagkakamali.
Honestly, sa isyung ito, ako po mismo, ako na ang tumatayo na nagkaroon ako ng pagkukulang, ng pagkakamali sa mga nangyari. Kaya sa lahat ng taong nasaktan, o naapakan, sana po, mapatawad n’yo po ako.
Salamat po,” ang pahayag pa ni Coco. Sabi naman ng mga taga-Gabriela at PCW, ramdam nila ang sincerity ni Coco at naniniwala sila na hindi talaga gusto ng aktor ang nangyari.
Natutuwa rin sila sa humility at tapang ng Kapamilya actor sa pagharap sa kanila para maayos ang problema. Sa katunayan, nagpaplano na ang dalawang women’s organization na hilingin ang tulong ni Coco para mas mapalaganap pa ang ipinaglalaban at isinusulong na mga kampanya at reporma ng kanilang grupo para sa karapatan ng mga kababaihan.
Handa naman daw makipagtulungan ang aktor sa kanila.