NITONG Biyernes, napaulat na tinatayang 250 na pamilya na nakatira sa mga bunkhouses sa Barangay Candahug, Palo, Leyte ang ililipat ng kanilang puwesto bilang paghahanda sa pagbisita ni Pope Francis sa Enero 2015.
Ayon sa ulat, ito ay batay sa relocation order ni Mayor Remedios Petilla, nanay ni Energy Secretary Jericho Petilla.
Batay sa kautusan ni Petilla, ire-relocate ang mga apektadong pamilya sa ibang bunkhouses na limang kilometro ang layo sa kasalukuyan nilang tinitirhan para umano hindi makita ni Pope Francis sa gagawin nitong pagbisita sa sa Leyte sa Enero.
Parang pamilyar yan, hindi ba?
Kaya nga naikukumpara tuloy ang balak ng lokal na pamahalaan sa ginawa ni dating First Lady Imelda Marcos kung saan pinaganda ang bansa para maging kaaya-aya sa paningin ng Papa.
Hindi ba’t tinakpan niya na parang dingding ang mga dadaanan ni Pope John Paul II gaya ng mga squatters area, estero at iba pang maruruming lugar.
Sa kaso sa Palo, Leyte, ang Cadahug kasi ang unang barangay na makikita pagpasok sa nasabing bayan mula sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City, Leyte.
Umaalma ang tinatayang 1,290 residente na nakatira sa mga bunkhouses sa Cadahug dahil mas malayo ang lilipatan nilang mga bunkhouses at nais din nilang makita ang Papa.
Nais ni Petilla na ilipat ang mga residente sa mga bunkhouses sa Barangay Tacuranga o sa isang permanenteng relokasyon bago pa dumating si Pope Francis.
Ayaw kasi ni Petilla na makita ng Papa ang mga bunkhouses sa kanyang pagbisita sa Palo sa Enero 17, 2015 kung saan nakatakda niyang bisitahin ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Hindi bat ang pangunahing layunin ng pagbisita ni Pope Francis ay makita ang tunay na kalagayan ng mga biktima ng bagyo at sila ay damayan? At hindi sa kung ano pa man?
Nahihiya ba ang lokal na pamahalaan na makita ang pangit na kalagayan ng mga biktima ni Yolanda halos isang taon matapos ang nangyaring kalamidad?
Nababagalan na nga ang mga biktima ni Yolanda sa ginagawang rehabilitasyon ng pamahalaan, ngayon ay sila pa ang maaapektuhan para lamang magpapogi o magmaganda sa darating na Papa.
Ayaw bang ipaalam ng pamahalaan sa mundo ang kalunos-lunos pa ring sitwasyon ng ating mga kababayan sa kabila na napakaraming tulong na ang naibigay ng iba’t-ibang bansa para sa mga biktima ni Yolanda? Ayaw ba nilang malaman na parang walang pagbabagong naganap kahit halos isang taon na ang nakakaraan.
Sa pagbisita ni Pope Francis, tiyak na susubaybayan ito ng buong mundo kaya hindi kataka-taka na nais pagtakpan ng pamahalaan ang totoong sitwasyon ng ating mga kababayan diyan sa Leyte.
Nakalulunos na nga ang sinapit ng ating mga kababayang biktima ni Yolanda, nais pa silang gamitin ng mga pulitiko sa kanilang personal na interes.
Pupunta si Pope Francis para basbasan ang mga biktima ni Yolanda at para magbigay sana ng panibagong pag-asa sa mga hinagupit nito.
Ngayon ay magiging biktima pa rin sila ng pananamantala ng mga opisyal ng gobyerno na dapat sana ay siyang nagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga apektadong pamilya.
(Editor: May reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)