KUNG may milagrong hatid si karateka Gay May Arevalo, ang Pilipinas ay tatapos taglay ang ikatlong pinakamasamang performance sa ika-17 edisyon ng Asian Games.
Hindi kinaya ni Charly Suarez ang mahusay na si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia para sa 1-2 pagkatalo sa finals ng lightweight division habang si Kirstie Elaine Alora ay hanggang tanso lamang ang kayang ibigay sa pambansang delegasyon para makumpleto ang shutout ng dalawang sports na inaasahang maghahatid ng kahit isang ginto sa kampanya sa Incheon, South Korea.
Sina light flyweight Mark Anthony Barriga, bantamweight Mario Fernandez at middleweight Wilfredo Lopez ay pawang mga tansong medalya lamang ang naipagkaloob habang sina Ian Clark Bautista, Dennis Galvan at ang dalawang lady pugs na sina Josie Gabuco at Nesthy Petecio ay hindi pinalad na umabot sa medal round.
Sina Fernandez at Bautista ay nabiktima pa ng masamang hurado at ang bagay na ito ay idinulog na ni Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia sa Olympic Council of Asia (OCA) at international boxing body AIBA.
“We are not filing a protest, if fact, we just want the OCA and AIBA to see our point,” wika ni Garcia. “It’s killing the sport. With what is happening worldwide, when there are calls to stop the sport for being dangerous, we all need to look for ways to make it fair and square.”
Limang bronze medals lamang ang pinakamagandang naiambag ng jins para pangunahan ang 11 na hinakot ng Pilipinas sa edisyong ito.
Si Arevalo ang panghuling atleta ng bansa na sasalang sa pagtatapos ng kompetisyon sa women’s -50 kilogram class at magsisikap siya na dagdagan pa ang medalyang nasungkit ng mga naunang sumalang na kinabilanganan din ng isang ginto at tatlong pilak.
Isinalba ni BMX rider Daniel Caluag ang sana’y disgrasyang kampanya ng 150 pambansang atleta nang kunin ang nag-iisang gintong medalya.
Kung hindi magbabago ang 1-3-11 medal count, lalabas ito bilang ikatlong pinakamasamang ipinakita ng Pilipinas matapos ang zero gold, 2 silver at 11 bronze medals noong 1974 sa Tehran, Iran at ang isang ginto, dalawang pilak at pitong bronze medals noong 1990 sa Beijing edition.
Huling taon na nakaisang ginto lamang ang Pilipinas ay noong 1998 Asian Games sa Bangkok, Thailand sa 1-5-12 medal count.