Taas-sweldo ayaw ipaalam sa pamilya; ayaw mahingan

HALOS magkasunod na nag-anunsiyo ang Hongkong at Korea na magtataas sila ng pasuweldo sa ating mga OFW.

Siyempre masaya ang ating mga kababayanf OFW na talaga namang nagpapgal nang husto sa mga bansang ito.
Pero ang nakakatawa (kung nakakatawa man ito) ay may pakiusap ang ilan nating mga kababayan. Huwag na lang daw sanang ipaalam sa kanilang mga kapamilya o kamag-anak ang tungkol sa nakatakdang increase sa kanilang suweldo.

Imposible namang hindi nila malaman iyon dahil palaging laman ng balita kapag ganitong mga isyu. Isa pa, malawak din ang reach ng social media. Tiyak na mabilis talagang kakalat ang balita di lang sa mga online news kundi maging sa Facebook at Twitter. kaya malabong hindi ito malaman ng ating mga kababayan.

Marami tuloy ang nagtataka bakit kaya ayaw malaman ng ating mga OFW ang ganitong klase ng mga balita.

Kung pupuwede nga sana ay solohin na lang daw nila ang balita.
Kasi nga naman kapag nabalitaang nadagdagan ang suweldo ng ating mga OFW, dadagdag din ‘anya ang mga hinihingi sa kanila ng kapamilya.

Reklamo ng mga pamilya ng ating OFW, palaging kulang ang ipinapadala sa kanila, kahit pa anong gawing trabaho at extrang trabaho ang suungin nila. Kahit nga raw day off, nagkakayod sila para lang may dagdag na maipadala sa pamilyang nangangailangan.

Reklamo ng isang may edad nang OFW, para siyang makina sa kakakayod. Gayong hindi niya pinagsisisihan ang desisyon na magtrabaho sa ibayong dagat, pakiramdam niya hindi pa rin sulit ang bawat paghihirap at sakripisyo niya para sa pamilya.

Ang dahilan niya? Walang nagtapos sa pag-aaral sa kaniyang apat na mga anak. Halos pare-parehong nagsipag-asawa ng maaga.

Maaga siyang nabiyuda. Nagka-cancer ang kaniyang mister at solo niyang iginapang ang mga anak.

Nagmamaktol na nga ang ating OFW dahil hindi man ‘anya siya o ang paghihirap niya ang pinahalagahan ng mga anak.
At ngayon kailangang mas todo kayod pa siya dahil kung apat ang kaniyang mga anak na
iginapang, may apat na naman siyang mga apo na pinag-aaral at parang naulit na naman ‘anya ang siklo ng kaniyang buhay.

Sa kaso ng ating OFW wala namang masisisi kung bakit nagpapatuloy ang ganoong kalagayan, dahil iyon naman ang ginusto niya. Wala namang maaaring makapilit sa kaniya na siya muli ang magpadala ng sustento sa kaniyang mga apo.

Kahit pa ilang beses pang tumaas ang kaniyang suweldo at ilang beses ding malaman iyon ng kapamilya, wala din naman silang magagawa kung siya mismo ay hindi titigil sa pagpapadala ng sustento sa mga kaanak.

Kaya nga lamang, tulad ng madalas nating marinig na wala kasing ina na nakatitiis sa kanilang anak kaya kahit hirap na hirap na, hindi pa rin sumusuko.

Nais pa rin niyang tulungan ang mga anak sa kabila ng lahat. Iyan ang tunay ns kulay ng buhay OFW.

Read more...