Matagal ang ipinaghintay ng mga kababayan natin sa Winnipeg, Canada para makasama nila ru’n ang tambalan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Madalas mabanggit ng anak-anakan naming creative director ng Pilipino Express News Magazine (ang pinakamalakas na pahayagan sa buong Manitoba, Canada) na si Rey-Ar Reyes na sabik na sabik na ang mga bagets du’n para makasama ang tambalang Kathniel.
Pero sa dami ng ginagawa ng tambalan ay mahirap makasingit sa kanilang schedule, mabuti na lang at nakakuha ng magandang tiyempo ang Labelle Promotions, matutuloy na ang concert nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa November 2 sa Pantages Playhouse Theatre.
Makakasama nila sina Kim Chiu, Marcelito Pomoy at John Lapus, pero hindi natin maitatanggi na ang dahilan ng panonood ng mga anak ng ating mga kababayan sa Winnipeg ay ang tambalang Kathniel, sila naman kasi ang pinakasikat na loveteam ngayon.
Nasa mabubuting kamay ang buong grupo, ang Labelle Promotions din nina Todd at Katya ang nagprodyus ng matagumpay na concert ni Bamboo ilang araw pa lang ang nakararaan, maraming kuwento na rin kasing naglantad tungkol sa mga shows ng mga Pinoy personalities sa ibang bansa na nabulilyaso dahil sa mga prodyuser na hindi maayos kausap.
Maganda ang imahe ng Labelle Promotions, sa mga kuwento pa lang ni Rey-Ar Reyes ay parang ramdam na ramdam na namin kung gaano kasarap mag-alaga at magmahal sa kanilang mga talents sina Todd at Katya, patuloy na magtatagumpay ang produksiyong ito kapag palaging ganyan ang ipinakikita nilang propesyonalismo sa mga kinukuha nilang singers at artistang Pinoy.