Isang linggo munang halinhinang iuuwi ng magkakapatid na Santiago ang abo ni Mrs. Cielito Legaspi Santiago, ang mahal naming si Mommy Chiling, bago ilagak ang kanyang mga labi sa katabing lugar na kinuha ng pamilya para kay Direk Pablo Santiago na labing-anim na taon nang namamayapa.
Si Raymart ang unang mag-uuwi ng urn ng kanyang ina, magkakasunod nang ipapasa ang kanyang mga abo kina Randy, Rowell, Rhea, Junjun at Chi-Chi.
Nagpaalam ang dakilang ina ng magkakapatid na Santiago sa kasagsagan ng hindi pagkakaunawaan ng naghiwalay na mag-asawang Raymart at Claudine. Ang kanilang mga anak lang na sina Sabina at Santino ang nakita sa lamay, wala si Claudine, dahil sa mga obyus nang dahilan.
Nakakalungkot lang isipin na nasa burol sina Gretchen at Marjorie Barretto, nakapagbigay-pugay sa namayapa, pero ang direktang manugang ni Mommy Chiling ay wala.
Palaging ganu’n ang sitwasyon dahil nang mamatay ang karelasyon nitong si Rico Yan nu’ng 2002 ay kinailangan pang mamagitan ang mga kaibigan nila para lang payagang masilip ng aktres ang bangkay ng aktor.
Matinding dalahin ‘yun sa kunsensiya ni Claudine, wala man itong kasalanang maituturing sa pagkamatay ng mga taong malapit sa kanyang buhay ay may kargo de kunsensiya pa rin itong dinadala-dala, mabigat ang ganu’n sa dibdib.
Nakakalungkot.