Tanggap na tanggap na ni Raquel Pempengco ang relasyon ng anak na si Charice kay Alyssa Quijano. Sabi nito, mahal din niya kung sino ang minamahal ng kanyang anak at susuportahan niya ito sa kanyang pakikipagrelasyon.
Ayon kay Mommy Raquel, hangga’t nagkakasundo ang dalawa at patuloy na ini-inspire ang isa’t isa, wala siyang dahilan para kumontra o paglayuin sina Charice at Alyssa.
“Parang anak ko na kasi. Nakita ko naman na almost a year yung pagsasama nila na ‘di nagbago. Nakita ko yung pagmamahal na ibinigay niya kay Charice,” sey ni Raquel sa isang TV interview.
Ayon naman kay Charice, para pa rin siyang nakalutang sa alapaap ngayon matapos silang magkasundong mag-ina, “Yan ang pinakamalaking award na ibinigay sa akin ng Panginoon. I’m very thankful to God, sa lahat ng mga taong nag-pray para sa amin.
“Ito yung every person’s dream na maayos ang pamilya, kahit na anong problema, sama-sama kayong lahat. We are very happy,” dagdag pa ng international singer.
Sabi naman ni Raquel, “Ina ako, mawawala ba yung pagmamahal na yun bilang ina? Kahit na masama ang loob ko o galit ako, nandun pa rin ang pagmamahal ko sa kanya.”
Na hiniritan naman ni Charice, “’Pag nawala yun, ibig sabihin either wala akong puso o patay na ako. Kahit na anong nangyari before, kahit na anong galit, everything, lahat yun parang naging challenge lang sa relationship namin bilang family.”
Pero ang tanong, kumontra kaya si Mommy Raquel kapag nagdesisyon na sina Charice at Alyssa na magpakasal? Baka naman magkagalit uli ang mag-ina kapag ipinagpilitan ni Charice na pakasalan ang kanyang dyowang singer!?