GILAS PILIPINAS WAGI SA KAZAKHSTAN PERO…

gilas

NANAIG ang Gilas Pilipinas sa Kazakhstan, 67-65, pero kapos ang kalamangan na kailangan para opisyal na mamaalam na sa 17th Asian Games men’s basketball sa Hwaseong Sports Complex gymnasium sa Incheon, South Korea kahapon.

Hindi dapat bababa sa 11 puntos ang winning margin ng Pilipinas para makatiyak na hahawakan ang pinakamagandang quotient sakaling magkaroon ng three-way tie sa pagitan ng bansa, Kazakhstan at Qatar sa 1-2 baraha.

“We had to win by 11. As usual we fizzled out again in the end. We didn’t have enough gas to finish strong,” wika ni national coach Chot Reyes.

Matapos ibangko sa pagkatalo sa South Korea kamakalawa, pinaglaro uli si Marcus Douthit ay tumapos taglay ang nangungunang 18 puntos, 14 rebounds, 3 blocks at isang assist habang si Jimmy Alapag, na gumawa ng 25 sa huling laro, ay may 11 puntos.

Pero hindi naulit ng koponan ang mainit na shooting sa huling laro lalo na sa 3-point line nang nagtala lamang ng 6-of-26 performance.

Lumamang ng 18 sa first half, nakatutok pa rin ang Gilas sa hangad na winning margin matapos ang basket ni Douthit para sa 65-51 bentahe sa huling apat na minuto ng laro.

Pero si Douthit na lamang ang nakaiskor hanggang sa natapos ang laro para maunsiyami ang plano ng koponan.

Angat na lamang ng dalawang puntos ang Pilipinas, 67-65, nang nagdesisyon si Reyes ay atasan ang mga manlalaro na ipasok ang bola sa basket ng kalaban para maihirit ang overtime.

“We asked the referee from Korea or Japan and it was allowed so we did it. The Iranian referee nullified it,” paliwanag ni Reyes.

Pinaniwalaan ang Gilas na kayang manalo ng ginto dahil pumangalawa sila sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship na ginawa sa Pilipinas. Sa nangyari ay fifth place na lamang ang pinakamagandang maabot ng koponan.

Hindi naman dapat na madiskaril ang programa dahil sa kabiguang ito at sa halip ay pagtutuunan ng koponan ang makalaro sa Olympics sa 2016.

Handa ring bitiwan ni Reyes ang puwesto kung ito ang nanaisin ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Dumanas naman ng malaking dagok ang paghahabol ng gintong medalya ng Pilipinas nang natalo sina Josie Gabuco at Nesthy Petecio sa quarterfinals ng women’s boxing na ginagawa sa Seonhak Gymnasium.

Hindi kinaya ng world champion sa flyweight na si Josie Gabuco ang galing ni Le Thi Bang ng Vietnam sa 36-40, 36-40, 37-39 pagkatalo habang si Petecio ay pinatalsik ni Chinese lady pug Junhua Yin ng China, 37-39, 36-40, 37-39, sa lightweight division.

Inasahan ang mga women’s boxers na mananalo ng medalya dahil sa ganda ng record ng mga ito sa malalaking torneo at sina Gabuco at Petecio ang ikatlo at ikaapat na panlaban ng ABAP na nalagas na.

Read more...