Fil-Ams nais maglaro sa PH volleyball teams

ILANG mga Fil-Americans na ang nakikipag-ugnayan sa Philippine Volleyball Federation (PVF) sa hangaring mapasama sila sa binubuong men’s at women’s national team para sa malalaking kompetisyon sa 2015.

“Yes, may mga nakikipag-ugnayan na sa amin. Pero hindi pa kami sumasagot dahil ang gusto ng PVF ay tapusin muna ang local tryouts,” wika ni PVF secretary-general Rustico “Otie” Camangian.

Noong Sabado sa Ninoy Aquino Stadium isinagawa ang huling tryout sa dalawang koponan at dinagsa ito ng mga malalaking pangalan mula sa collegiate at semi-professional leagues ng bansa.

Ang UAAP women’s volleyball Most Valuable Player na si Alyssa Valdez ng Ateneo ay sumipot din upang makasama ang iba pang mahuhusay na manlalarong sina Dindin at Jaja Santiago, Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Tina Salak, Jen Reyes at iba pang hinahangaan sa kababaihan.

Ang mga national players na naglaro sa Asian Men’s Volleyball Championship sa bansa noong nakaraang taon na sina Ran Ran Abdilla, Peter Torres at JP Torres ang mga nanguna sa kalalakihan.

Ito na ang ikalima at huling tryout at ito ay sinuportahan ng PLDT Home Fibr.

“Tig-19 players ang bubuo sa pool at sasamahan ito ng tatlong Fil-Ams na papasa sa criteria. Hindi pa natin masabi ang mga tournaments but definitely ay sasali tayo sa SEA Games,” sabi pa ni Camangian.

Tiniyak naman ni Gary Dujali, VP ng PLDT Home Marketing, ang lubusang suporta mula sa telecom firm.

“We believe that our volleyball athletes can compete with the best of the world. PLDT HOME Fibr is happy to reaffirm its support to the PVF as it is the group’s mission to inspire the youth toward sports excellence,” wika ni Dujali.

Read more...