MAGMULTO nga kaya ang yumaong veteran actor na si Mark Gil? Isang kahilingan kasi ni Mark ang hindi nagawa ng kanyang pamilya matapos paglamayan ang kanyang mga labi – ang ikalat ang kanyang abo sa isang beach na paborito niyang puntahan noong nabubuhay pa siya.
Ayon sa panganay na anak ng aktor na si Gabby Eigenmann napagdesisyunan ng pamilya na huwag namg isaboy ang kanyang ashes sa dagat, at itago muna ito pansamantala, sa pangangalaga ng kanyang naulilang asawa.
“Alam n’yo kasi may mga beliefs, mga pamahiin, di ba? Hindi naman sa maraming kumukontra, pero based nga sa paniniwala ng matatanda, yung sinasabi ng ibang tao, kapag ikinalat mo raw yung ashes dapat ikalat mo na lahat.
E, meron kaming (magkakapatid) tig-isang vial na ginawa naming pendant,” kuwento ni Gabby nang makachika namin sa pocket presscon ng afternoon series ng GMA na Dading na malapit na ngang magtapos.
Dagdag pa ni Gabby, sana nga raw hindi magalit ang daddy niya dahil hindi nga nila nasunod ang bilin nito. Sabi naman namin kay Gabby baka biglang magmulto ang tatay niya, “Wala nga kahit paramdam lang, kahit sa panaginip
So, naisip namin, tahimik at masaya na siya wherever he is.” Naging masaya naman daw ang pagsasama-sama ng Eigenmann family para sa nakaraang 53rd birthday ni Mark (Sept. 25) na ginanap sa Montemar Beach sa Bataan, “Yes, nagkita-kita uli kaming lahat after the wake.
Lahat kami nandoon, my grandparents hanggang sa magkakapatid, pati mga mga apo. Kung buhay si daddy, ang gusto nu’n. overflowing ang food, pati drinks, pero medyo simple lang ang celebration kaya, ano lang, kainan by the beach, swimming.
“Yun kasi ang mga memories na gusto naming i-relive sa buong family noong nabubuhay pa si Daddy. At favorite niya talaga ang resort na yun,” chika pa ni Dading.
Halos araw-araw pa ring iniiyakan ni Gabby ang pagkamatay ng ama, pero unti-unti na rin siyang nakaka-recover, “May moments talaga na…sabi ko nga, I’ve been a positive guy. Ina-avoid ko ang negativity.
“Pero I don’t think missing my dad, it’s gonna be negative, hindi, e. Ano lang, he prepared us to move on easily. So, hindi ko sinasabi na madali, we’re coping. So far, okay, okay pa naman,” pahayag pa ni Gabby.
Samantala, nag-last taping na rin ang Dading na talaga namang hindi binibitawan ng manonood simula nang umere ito sa Afternoon Prime ng GMA, at in fairness, puro papuri ang natatanggap ng buong cast sa makatotohanan at sensitibo nilang pagganap.
Natanong si Gabby kung ano ang feeling ngayong magtatapos na ang seryeng minahal talaga ng manonood. “Siyempre malungkot, nag-cast party kami kagabi.
Sad, pero sabi nga, all good things must come to an end. Pero siyempre, ini-expect namin. Hindi naman sa ini-expect, pero nandoon na rin yung sana ma-extend pa. Kasi, sobrang naging close kaming lahat.
Down to the director to the staff. So, ang kabuuan naman, dapat happy kami kasi successful, tinanggap kami ng viewers,” pahayag ni Gabby.
“Pero siyempre, at the end of the day, nandoon yung mami-miss mo ang isa’t isa,” sey ng Kapuso actor na umani ng papuri dahil sa ganda ng performance niya sa Dading.
“Nag-guest nga ako sa Ryzza Mae Show, tapos nag-live chat ako kanina. Dumaan ako sa 7th floor, e, tamang-tama, meeting nila, nandoon lahat—writers, PUM—nagparamdam naman ako kanina.
“Tuwang-tuwa naman silang lahat na, ‘Congratulations!’ Sabi ko, ‘Alam niyo na, nandito lang ako, available ako ulit.’ “Gumanun lang ako, natawa naman silang lahat,” chika pa ni Dading.
Anyway, ngayong October na matatapos ang bekiseryeng Dading pero sabi ni Gabby marami pa raw exciting na mga eksenang mangyayari na ikabibigla ng mga viewers kaya huwag na huwag daw kayong bibitiw.
Kasama pa rin ni Gabby sa serye sina Gardo Versoza, Glaiza de Castro at Benjamin Alves, sa direksiyon ni Ricky Davao. In fairness, isa rin sa mga tumatak sa mga manonood ang bading na karakter ni Gardo sa Dading na nakikipagsabayan din sa pagte-trending ng serye sa mg social media.