KINAPOS ang Gilas Pilipinas national team sa huling yugto para mamaalam ang paghahabol sa gintong medalya sa 17th Asian Games sa 97-95 pagkatalo sa host South Korea sa men’s basketball kahapon sa Samsan World gymnasium sa Incheon, South Korea.
Nawala ang naunang matikas na 3-point shooting ng pambansang koponan na sinabayan pa ng kawalang ng depensa kay American-Korean player Moon Taejong (Jarod Cameron Stevenson) para lasapin ang ikalawang sunod na pagkatalo sa quarterfinals at ikatlong sunod sa kompetisyon.
Suntok sa buwan na lang maituturing ang tsansa ng Gilas na umabante pa dahil kailangang magkaroon ng triple tie ang Pilipinas, Qatar at Kazakhstan sa 1-2 baraha at manalangin na hawak ng koponan ang pinakamataas na quotient.
Mangyayari ito kung mananalo ang Kazakhstan sa Qatar kagabi at manalo ang Gilas sa dating Russian republic ngayon.
“The entire responsibility falls on my shoulder. I want to apologize to our people,” wika ni Reyes sa press conference matapos ang laban.
Hindi pinaglaro ni Reyes si Marcus Douthit bilang disciplinary action sa ikinilos laban sa Qatar ngunit hindi na bago ang maglaro ng All-Filipino laban sa South Korea na siya nilang ginawa sa 86-79 tagumpay sa semifinals ng 2013 FIBA Asia Men’s Championship.
Sa pagtutulungan nina Jimmy Alapag, LA Tenorio, Jeff Chan at June Mar Fajardo ay lumayo ang Pilipinas ng hanggang 16 puntos, 65-49, pero tinapos ng home team ang ikatlong yugto sa pamamagitan ng 22-7 bomba para dumikit sa isa, 72-71.
Binuksan ng Gilas ang huling yugto sa 6-0 run para sa 78-71 kalamangan pero si Moon ay nagpakawala ng siyam na sunod na puntos, kasama ang magkasunod na triples, sa 13-4 palitan upang makaangat na ang home team, 84-82.
Dalawang layup ni Alapag ang nagpatabla sa iskor sa 88-all at si Tenorio ay nagkaroon ng pagkakataon na maibigay ang kalamangan sa Gilas nang nalagay sa free throw line.
Ngunit isa lamang ang kanyang naipasok bago kumamada ng limang diretso si Heejong Yang para ilayo na ang South Koreans, 95-89.
Si Moon ay tumapos taglay ang 38 puntos, mula sa 11-of-15 shooting na sinangkapan ng 6-of-8 sa 3-point line habang si Alapag ay may 25 puntos na kinatampukan ng 5-of-10 shooting sa 3-point line.