Green Archers nakahirit ng sudden-death game

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. Ateneo vs NU (men’s Final Four)
6 pm. FEU vs La Salle (men’s Final Four)

LUMABAS ang husay ng nagdedepensang kampeon De La Salle University sa do-or-die game laban sa Far Eastern University kagabi tungo sa 94-73 panalo sa 77th UAAP men’s basketball Final Four sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumipa ng 25 puntos si Jeron Teng habang sina Norbert Torres, Almond Vosotros at Julian Sargent ay nagsanib sa 46 puntos upang maihirit ng Green Archers ang huling sudden- death para malaman kung sino ang aabante sa championship round.

Sa ikatlong yugto nanalasa ang tropa ni La Salle coach Juno Sauler at si Teng ay nanguna rito sa ibinagsak na 11 puntos sa 4-of-8 shooting kasama ang isang triple para kunin ang 63-47 kalamangan sa Tamaraws papasok sa huling yugto.

“I just told them to make the most of this opportunity given to us,” wika ni  Sauler sa diskarte ng koponan.

May 9-of-19 shooting si Teng at ang ipinakita ay pambawi matapos ang 2-of-11 performance tungo sa walong puntos sa 60-65 pagkatalo sa FEU sa playoff.

Gumawa ng career-high 32 puntos na mula sa 11-of-20 shooting  si Mac Belo pero siya lamang ang nasa kondisyon sa hanay ng FEU.

Si Mike Tolomia na gumagawa ng halos 20 puntos kada laro sa naunang tatlong panalo ng koponan sa Archers ay nalimitahan sa 7 puntos sa 2-of-14 shooting.

Hindi rin nakatulong ang pinagsamang 10 puntos nina Roger Pogoy, Bryan Cruz at Anthony Hargrove.
Sa Miyerkules ang rubbermatch at tiyak na handa ang magkabilang koponan dahil sa tatlong araw na pahinga.

The scores:
LA SALLE 94 – Teng 25, N. Torres 18, Vosotros 17, Sargent 11, Perkins 8, Van Opstal 4, Montalbo 3, T. Torres 3, Rivero 2, Salem 2, Mustre 1, Andrada 0
FEU 73 – Belo 32, Tolomia 7, David 7, Tamsi 6, Iñigo 6, Jose 5, Cruz 4, Hargrove 2, Pogoy 2, Ugsang 2, Dennison 0, Delfinado 0, Denila 0, Lee Yu 0, Escoto 0
Quarters: 24-14, 34-27, 63-47, 94-73

Read more...