GILAS PILIPINAS BINIGO NG QATAR

MGA lahok ng Pilipinas sa men’s boxing at men’s doubles sa tennis ang nagbigay ng saya sa Team Philippines sa araw na nakita ang pagkakalagay sa hukay sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 17th Asian Games.

Giniba ni Southeast Asian Games champion Mario Fernandez si Puran Paj ng Nepal, 30-27, 30-27, 30-27, sa bantamweight division habang si Charly Suarez ay sumuntok sa 28-29, 29-28, 29-28, panalo sa palabang si Akhil Kumar ng India sa lightweight division.

Kailangan na lamang nina Fernandez at Suarez na manalo pa sa quarterfinals para makatiyak ng medalya.

Sunod na kalaban ni Fernandez ang Asian champion at Olympian Shiva Thapa ng India habang si Ammar Jabbar Hasan ng Iraq ang kalaro ni Suarez.

Kinalos nina Ruben Gonzales at Treat Huey sina Chi Neng Chan at Ho Tin Marco Leung ng Macau, 6-0, 6-3, para umabot sa quarterfinals.

Ang puwesto sa medal round para sa second seeds ay pagtatangkaan laban kina Yongkyu Lim at Minhyeok Cho ng host Korea ngayong tanghali.

Ang mga panalong ito ang nagpapanatiling matibay sa paghahangad ng bansa na makatikim ng gintong medalya.
Nadagukan ito matapos matalo ang Gilas sa Qatar, 77-68, sa pagsisimula ng quarterfinals kahapon.

Natulala ang tropang hawak ni coach Chot Reyes nang pakawalan ng mga Qatari ang 19-0 bomba para mawala sa kanila ang momentum ng laro.

Si Mohd Yousuf Mohamed ay may 19 puntos at 3-of-3 sa 3-point line at ito ay kanyang kinamada para pasiklabin ang 15-0 run sa pagbubukas ng ikatlong yugto para ang 39-36 iskor ay naging 51-39 kalamangan.

May 15 puntos, kasama ang 6-of-7 shooting sa 3-point line, si Jimmy Alapag para pangunahan ang Gilas.

Read more...