TALAGANG desidido ang ABS-CBN na pasikatin nang bonggang-bongga ang loveteam nina James Reid at Nadine Lustre.
In fairness, mukhang sila na nga ang susunod sa phenomenal loveteam nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil sa importansiya na ibinibigay sa kanila ng Kapamilya network.
Kung magpupursige ang dalawang bagets at kung mananatili silang humble at professional hindi imposibleng marating din nila ang narating ng KathNiel.
At habang naghihintay ang pagsisimula ng una nilang teleserye sa Dos, sasabak muna ang JaDine loveteam sa kanilang kauna-unahang TV project sa ABS-CBN – sila ang bibida sa bagong month-long special ng Wansapanataym na magsisimula na tonight.
Makakasama nina James at Nadine sa special series ang Kapamilya hunk na si Dominic Roque. Mula sa hit Wattpad series na sinulat ni Noreen Capili, tampok sa Wansapanataym Presents My App Boyfie ang kwento ni Anika (Nadine), isang babaeng never pang nagkaroon ng boyfriend.
Ngunit magbabago ang lahat para sa kanya nang mabuhay ang “dream boy” niyang si Jowa (James) na nilikha niya gamit ang isang application sa kanyang mahiwagang tablet computer.
Forever na nga bang magiging happy si Anika sa piling ni Jowa? Pero paano kung biglang mawala ang tablet na naglikha sa kanyang “app boyfriend?” Tampok din sa Wansapanataym Presents My App Boyfie sina Cherie Gil, Malou Crisologo, Ingrid dela Paz, Jazz McDonald, Marco Pingol at Elise Joson. Ito ay sa direksyon ni Jojo Saguin.
Ang original story book ng batang Pinoy na Wansapanataym ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television na siya ring nasa likod ng mga teleseryeng humahataw ngayon sa Primetime Bida ng ABS-CBN na Ikaw Lamang at Sana Bukas Pa Ang Kahapon.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng Wansapanataym special nina James at Nadine ngayong Sabado, 7 p.m. pagkatapos ng Home Sweetie Home at Linggo, 7 p.m. after Goin’ Bulilit.