Pasalamat na lang si Ciara Sotto at makapit ang batang ipinagbubuntis niya ngayon dahil kung hindi, malamang daw na nalaglag na ito.
Hindi kasi alam ni Ciara na nagdadalang-tao na siya sa first baby nila ni Jojo Oconer habang nakikipag-hatawan siya sa dance reality show ng TV5 na Celebrity Dance Battle.
Bukod dito, buntis na pala siya habang ginagawa ang award-winning 2014 Cinemalaya entry na “Hari Ng Tondo” ni direk Carlitos Siguion Reyna kung saan gumanap siyang battered girlfriend.
“Imagine, talagang hinahagis ako ni Gian (Magdangal, gumanap na partner niya sa movie), sinasaktan niya ‘ko, binugbog, hindi ko alam, pregnant na pala ako that time.
Tapos kasali pa ako sa Celebrity Dance Battle, e, hataw din ako du’n, todo-pole dancing at acrobatics,” kuwento ni Ciara sa presscon ng “Hari Ng Tondo” kamakailan na ipapalabas na nga sa lahat ng sinehan nationwide matapos itong humakot ng awards sa nakaraang Cinemalaya filmfest.
Apat na buwan nang buntis si Ciara at aniya, “Ang tagal naming hinintay ‘to. Four years na kaming married ng husband ko, and then ito na nga, magkaka-baby na kami.”
Sa unang ultrasound kay Ciara, parang lalaki raw ang first baby nila ni Jojo, “Parang boy siya du’n sa ultrasound. Pero mas sure daw kasi kapag five to six months, so uulitin.”
Samantala, very proud si Ciara at ang buong cast ng “Hari Ng Tondo” produced by Reyna Films, APT Productions at M-Zet TV to be released by Star Cinema, dahil sa pagkakasali ng movie sa Toronto International Film Festival.
Pinuri-puri ang pelikula ng mga Pinoy at foreigners na nakapanood nito, lalo na ang akting ng mga artistang kasali. Ito’y isinulat naman ni Bibeth Orteza.
Bukod kina Ciara at Gian, kasali rin sa “Hari Ng Tondo” sina Robert Arevalo na nanalo ngang Best Actor sa nakaraang Cinemalaya, Cris Villonco na nagwagi namang Best Supporting Actress, Rez Cortez, Liza Lorena, Aiza Seguerra, Lorenz Martinez, Lui Manansala, Carlos Canlas, Mark Tayag, Ali Sotto, Eric Quizon at marami pang iba.
Mapapanood na ito simula sa Oct. 1 sa mga paborito n’yong sinehan nationwide. Napanood na namin ang “Hari Ng Tondo” at tulad nga ng nasabi namin during the Cinemalaya 2014, isa ito sa maipagmamalaki nating Pinoy movie sa buong mundo.
At siguradong hindi masasayang ang ibabayad n’yo sa sinehan dahil tiyak na mag-eenjoy kayo sa movie, at marami rin kayong matututunan about family values.