Kung tutuusin ay hindi naman krimen ang kinapaloobang voice clip ni Daniel Padilla. Isang komento lang ‘yun ng isang kabataan sa isang grupong nagkukuwentuhan.
Lumaki lang nang lumaki ang istorya dahil pinakasikat ngang heartthrob ngayon si Daniel Padilla, anumang tungkol sa kanya ngayon at anuman ang kanyang gawin ay isang malaking isyu na, kaya walang lusot ang bagets na pinagkaguluhan sa NAIA nu’ng isang araw nang lumipad siya papuntang New Zealand.
Umalis si DJ na masama ang loob, nasaktan siya dahil isang itinuturing pa naman niyang kaibigan ang nanglaglag sa kanya, may mga tao nga namang pinakisamahan mo na ngang mabuti ay siya pa pala ang mangtatraydor sa iyo.
Ngayon ay magiging maingat na siguro si Daniel sa pamimili ng kakaibiganin, pati sa pagpapapasok ng mga kaibigan sa kanilang tahanan, hindi naman kasi lahat ng mga taong nakikipagtawanan sa kanya ngayon ay maaasahan niyang masaya sa kanyang popularidad at matatawag talagang kaibigang tunay.
Marami pang madidiskubre si Daniel Padilla sa pagdadaan ng panahon. May mga taong nakangiti sa kanya pero may nakatagong inggit sa magandang kapalarang hawak niya ngayon.
Maraming kaibigang impostor. Mapagpanggap. Nagpapakilalang kaibigan na makakasama mo sa hirap at sa ginhawa pero hindi naman pala.