Laro Ngayon
(Hwaseong Sports Complex Gymnasium)
2 p.m. Philippines vs Iran (Korea time)
TATANGKAIN ng Gilas Pilipinas na maresbakan ang Iran sa paghaharap nila ngayong alas-2 ng hapon (ala-1 ng hapon sa Maynila) sa pagpapatuloy ng 17th Asian Games men’s basketball tournament sa Hwaseong Sports Complex Gymnasium sa Incheon, South Korea.
Ang Gilas ay nakalasap ng mga masakit na pagkatalo sa Iran kabilang na ang FIBA Asia Cup sa Wuhan, China nitong nakaraang Hulyo kung saan ang mga Iranians, na pinamunuan ni Hamed Haddadi, ay tinambakan ang mga Pinoy ng 21 puntos, 76-55. Ganito rin ang nangyari nang magkaharap sila sa finals ng 2013 FIBA Asia Championships sa Maynila kung saan ang Middle East powerhouse squad ay giniba ang host team, 85-71, sa harap ng kanyang mga kababayan.
Subalit ang mga pagkatalong iyon ay nangyari bago sumabak ang Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup sa Spain kung saan ginulantang ng Gilas ang mga nakatunggali at nakuha ang unang panalo matapos ang halos apat na dekada nang maungusan sa overtime ang Senegal, 81-79.
Subalit kailangang maglaro ng maayos ang Gilas para matalo ang Iran ayon kay coach Chot Reyes.
“Basketball is a 40-minute game. We can’t go out and play good basketball for only 38 minutes and expect to win,” sabi ni Reyes.