NU BULLDOGS HUMIRIT NG DO-OR-DIE GAME

nu bulldogs

Laro sa Sabado
(SM Mall of Asia Arena)
4 p.m. FEU vs La Salle (Final Four)

BINIGO ng National University Bulldogs ang plano ng Ateneo de Manila University Blue Eagles na pumasok na sa finals sa 77th UAAP men’s basketball sa pamamagitan ng 78-74 panalo sa Final Four kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Gumamit uli ng malakas na panimula ang Bulldogs at nang nakabangon na ang Blue Eagles at lumamang pa ay ang mga  guards na sina Rodolfo Alejandro at Gelo Alolino ang sinandalan para sa mahalagang puntos upang maihirit ang do-or-die game.

“Ibinigay lamang namin ang best namin,” wika ni Alejandro na tumapos taglay ang 20 puntos, mula sa 6-of-7 shooting, kasama ang tatlong tres.

Pero ang pinakamahalagang buslo ni Alejandro ay ang dalawang free throws para bawiin ng Bulldogs ang kalamangan, 73-72.
Si Alolino ay may 16 puntos at ang dalawang free throws ang nagpalawig pa sa tatlo, 75-72, sa bentahe ng Bulldogs sa huling 23.7 segundo sa laro.

Inilapit ni Kiefer Ravena sa isa ang Ateneo, 75-74, pero naroroon uli si Alolino na may dalawang free throws na ipinasok para tiyakin na ang panalo ng NU.

Si Ravena ay may 24 puntos pero siyam lamang sa 35 attempts ang kanyang naipasok.

Si Chris Newsome ay nag-ambag ng 14 puntos habang si Nico Elorde ay may 12 puntos para sa Ateneo.

“Wala kaming inisip na iba kungdi ang larong ito. We just want to be at our best for this game,” wika ni NU coach Eric Altamirano na nakatikim ng kanyang kauna-unahang playoff win sa tatlong pagkakataon na nasa semifinals ang koponan.

Ito ang ikatlong pagkatalo sa ganoon ding pagkikita sa taon ng Ateneo na masuwerteng may twice-to-beat advantage upang magkaroon pa ng isang tsansa para makapasok sa Finals.

Dahil sa pangangapa sa dating porma ng tatanghaling season Most Valuable Player na si Ravena, ang Blue Eagles ay nagtala lamang ng 34.6 field goal shooting sa 26-of-75 marka.

Read more...