Coco di na kailangang maghubad sa harap ng madlang pipol

coco
Sentro ng pagpansin-pagtuligsa ngayon ng grupong Gabriela ang partisipasyon ni Coco Martin sa The Naked Truth kung saan ipinakita ang magaling na aktor na balot na balot ang katawan pero may hila-hilang isang tisay na babae na parang asong kinakaladkad ng guwapong aktor.

Tinalian sa leeg ang babaeng pasirku-sirko pa habang rumarampa si Coco, mistulang aso talaga ang babae na kumikilos ayon sa paghila ng mayhawak ng tali, hindi nga naman kagandahan ang insinwasyon nu’n.

Para sa grupong Gabriela ay kawalan ‘yun ng pagrespeto sa mga kababaihan, pantay na karapatan ang kanilang ipinaglalaban, pagkatapos ay makakakita ka ng isang babaeng tinalian sa leeg at hinihila-hila ng isang lalaki.

Makabuluhan ang pananaw ng Gabriela, hindi dapat pinapayagan ang ganu’ng akto na nakababawas kundi man nagnanakaw na mismo sa respetong dapat ibinibigay sa mga kababaihan, agad namang humingi ng dispensa ang pamunuan ng Bench sa reklamo ng makababaihang grupo.

Walang ipinakitang hubad na harapan o likuran si Coco Martin sa nasabing rampahan, pero sa kabila nu’n ay matinding palakpakan pa rin ang isinalubong sa kanya, hindi na raw kailangan pang magpakita ng anumang tagong bahagi ng kanyang katawan si Coco Martin para maramdaman ang kanyang presensiya.

Sa susunod ay dapat nang mag-ingat ang mga utak na bumubuo ng konsepto ng palabas para walang ibang taong nadadamay at walang grupong napapaklahan sa kanilang atake.

Read more...