Palasyo nakialam na sa brutal na pagpatay sa ina ni Cherry Pie

cherry pie picache
TINIYAK ng Malacañang na ginagawa na ng PNP ang lahat para agad na maaresto ang (mga) taong pumatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache na natagpuan ngang tadtad ng saksak sa loob mismo ng kanyang tahanan.

Mismong si Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ang nagbigay ng assurance sa pamilya ni Cherry Pie na hindi sila magpapabaya sa nasabing kaso, kasabay ng pagkondena ng Palasyo sa brutal na pagpaslang kay Mrs. Zenaida Sison, 75.

Ayon naman sa official statement ng pamilya ng award-winning actress, umaasa rin sila na agad mahuhuli ang salarin.
“We trust that the QCPD (Quezon City Police Department) together with the Scene of the Crime Operatives (SOCO) through their vigilance and effort will apprehend the person or persons who committed this gruesome crime against our mother and family and to our society.

“We would like to thank the office of the mayor of Quezon City, Hon. Mayor Herbert Bautista for their immediate action, Harlene Bautista Tejedor for her assistance,” ayon kay Cherry Pie.

Ayon naman sa pulisya, nakatutok ang kanilang imbestigasyon ngayon sa motibo ng pagnanakaw dahil, “Makikita mo na talagang hinalungkat ang kwarto ng biktima.

Maaring ang unang motibo ay pagnanakaw, hanggang sa nauwi sa pagpatay,” ayon kay Chief Inspector Elmer Monsalve ng QCPD Homicide Division sa interview ng The Buzz nu’ng Linggo.

Dagdag pa sa ulat, posibleng kilala rin ng biktima ang taong pumatay sa kanya. Bukod dito, narekober din sa crime scene ang ilang piraso ng basang damit, kutsilyo, isang crowbar, at mga piraso ng kahoy na posibleng ginamit din sa pamamaslang sa nanay ni Cherry Pie na nagtamo ng saksak sa kanyang katawan, leeg at ulo. Binusalan din ng tela ang kanyang bibig.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw makapaniwala ang aktres at ang kanyang pamilya sa brutal na pagpatay kay Mrs. Zenaida.

Nangako naman ang mga kaibigan ni Cherry Pie sa showbiz industry na patuloy na ipagdarasal ang pagkamatay ng kanyang ina at ang agarang pagresolba sa kaso.

Read more...