Sa sobrang init ng kanilang pansamantalang tirahan sa PNP Custodial Center na para silang tinutusta lalo na kapag tanghaling-tapat ay lalong tumitindi ang pag-atake ng migraine ni Senador Bong Revilla.
Nu’ng minsan nga ay nagulat na lang isang hatinggabi ang kalapit kuwarto niyang si Senador Jinggoy Estrada dahil naririnig nito ang kanyang pagsigaw.
Agad na bumangon ang senador para daluhan ang kanyang kaibigan, nakita nitong sapu-sapo ni Senador Bong ang kanyang ulo, inaatake na naman siya ng migraine.
Kapag ganu’ng oras ay wala silang kasama sa maliit na bakuran, may mga pulis sa labas ng gate, pero ang dalawang senador lang ang puwedeng magtulungan nang agaran.
Injection na ang kailangan kapag sobrang tindi na ang migraine ni Senador Bong, hindi na pinakikinggan nu’n ang basta mga gamot lang, ang nagpapalala sa kanyang migraine ay ang sobrang init ng temperatura sa kanyang kuwarto sa PNP Custodial Center.
Bulong ng isang nakausap namin, “Kaisa-isang pakiusap nila, e, hindi pa mapagbigyan. Sila na nga ang magbabayad ng kuryente sa ipakakabit nilang aircon, napakatagal na ng request nila, pero hindi pa rin ‘yun naaaprubahan hanggang ngayon.”
Ngayong umaga hanggang tanghali ay gaganapin ang taunang blood letting project ng mag-asawang Senador Bong at Congresswoman Lani Mercado tuwing dumarating ang kaarawan ng aktor-pulitiko sa multi-purpose center ng Camp Crame.
Makabuluhan ang proyektong ito, maraming kababayan natin ang natutulungan nila sa pamamagitan ng pag-iimbak ng dugo na nagagamit ng mga walang maipambiling maysakit, maligayang kaarawan kay Senador Bong Revilla sa darating na Huwebes.