DAPAT talagang magdoble ingat tayo kapag nagsa-shower dahil ilan na ang naaaksidente at namamatay dito, tanda namin ay sa ganito namatay ang boyfriend ni Katya Santos na dapat sana’y pakakasalan na niya.
Wala kami sa bansa nang mapabalitang may nangyaring hindi maganda kay Jennylyn Mercado habang naka-check in sa isang hotel sa Abra.
Nakuryente daw si Jennylyn habang naliligo sa CR ng kanyang kuwarto. Noong Miyerkules nakausap ng katotong Vinia Vivar ang manager ng aktres na si Becky Aguila.
Naimbitahan ang aktres sa nasabing bayan ng alkalde para isang okasyon at sa Oval Era Hotel sila naka-check in na kamuntikang ikamatay ni Jennylyn.
Ito na raw ang pinakamagandang hotel sa Bengued, Abra na walang elevator, walang telepono at sangkaterbang lamok ang nakatira na kahit na anong spray ang gawin ay hindi nawawala.
Kuwento ni tita Becky, “March 5 ang show at March 6, pabalik na sila ng Manila. Kasama ni Jen ang PA niya na si Bing. That morning ng March 6, maliligo si Jen dahil siyempre, magre-ready na pabalik ng Manila.
“Dahil ang lamig daw ng tubig, humingi si Jen ng water heater kasi walang heater sa shower, so binigyan siya ng portable water heater at isang timba.
Pinuno ang timba ng water, inilagay doon ang water heater.
Eh basang-basa na si Jen that time. Inilagay niya ‘yung kamay sa timba para malaman siyempre kung mainit na ang tubig.
“Du’n na siya nakuryente. Nag-amoy sunog daw siya from head to foot.
Buti na lang sumigaw siya at si Bing, mabilis na na-unplug ‘yung heater,” kuwento ni tita Becky na alalang-alala raw nang malaman ang nasabing aksidente.
Nakaramdam din ng hilo si Jen at nagkaroon ng nausea.
Pero kinaya pa rin daw nitong umuwi at hindi na nagpa-check-up, “So, when she got home, the following day, nag-training siya for triathlon, pero pinatigil siya ng kanyang coach dahil nanghihina siya at nagsusuka.
“Kahapon naman nagpa-palpitate siya and feeling namin, effect ‘yun ng pagkakakuryente niya sa Abra,” say ni tita Becky.
Abut-abot naman daw ng paghingi ng dispensa ang Mayor ng Abra at may-ari ng hotel owner, “Ni-request ko sa hotel owner na ipa-executive check-up si Jen dahil sagutin nila talaga yung nangyaring ‘yun.
“Hindi biro ‘yun coz alam naman nating lahat na nakakamatay ang kuryente.
What if hindi agad natanggal ‘yung switch ni Bing, di ba?” katwiran pa ng manager ng aktres.
Bagama’t masama pa rin ang katawan ni Jennylyn ay tuluy-tuloy pa rin siya sa mga trabaho niya at wala naman daw silang balak magdemanda.
At request lang ng kampo ng dalaga na mapa-check up ng hotel owner si Jen para makasiguro na walang naging masamang epekto sa katawan niya ang nangyari.
“Jen is thankful pa rin na walang nangyaring masama sa kanya pero sabi nga niya, ‘tita muntik na ako!’
Feeling niya nga, second life niya ito kaya kahit paano she has learned something from this – na dapat talagang pahalagahan ang buhay dahil in just split seconds, puwede kang mawala,” sabi pa ni tita Becky.
Maswerte ang nasabing hotel dahil hindi na sila idedemanda ni Jennylyn dahil kung ibang artista lang ‘yun baka nag-ingay at nag-demand na ng kung anu-ano.
Kaya lesson learned, dapat i-check munang mabuti ang lugar na pupuntahan bago pumunta para maiwasan ang anumang disgrasya, kesehodang malaki pa ang ibabayad, di ba, bossing Ervin? (Korak na korak! Pak na pak! – Ed)
By: Reggee Bonoan