PATULOY ang pagdami ng bilang ng mga miyembro ng Motorcycle Rights Organization na nagsusulong ng responsableng pagmamaneho ng motorsiklo.
Ngayon ay nasa 2,300 na ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng MRO, ayon sa chairman nitong si Jobert Bolanos .
Naniniwala si Bolanos na lalo pang lalago ang bilang nito sa mga susunod na linggo lalo pa’t kung malalaman ng maraming mga rider ang layunin ng grupo.
Nagsimula noong 2008 ang grupo, kwento ni Bolanos, na ang isinusulong ay “equality, freedom at safety” para sa mga rider ng motorsiklo.
Paliwanag niya, isinusulong ng grupo ang pantay na pagtingin sa mga motorista.
Anya, hindi dapat maging mababa ang pagtingin ng sinuman sa mga motorista, maging sila man ay de-kotse o mga nagmomotorsiklo.
Gaya ng ibang motorista, ang rider ay nais din maging malaya sa lansangan.
Gayunman, ang kalayaang ito ay may kaakibat namang responsibilidad.
“Hindi naman yung dahil gusto naming maging malaya sa lansangan ay gagawin na namin ang lahat ng gusto namin.
Freedom with responsibility ang sa amin,” anya.
Nais din anya ng grupo na maisulong ang kaligtasan ng bawat rider sa kalye.
Dapat anya, may abilidad ang bawat rider para makaiwas sa aberya.
Noong isang linggo, nagsagawa ng motorcade ang ilang daang miyembro ng grupo para ikampanya ang road safety and discipline.
Ipinoprotesta nila ang inilagay na motorcycle lane sa Edsa ng Metropolitan Manila Development Authority.
Ayon kay Bolanos, pabor naman anya sila sa motor-cyclelane sa Edsa. Ngunit sana anya ay patas ang pagpapatupad dito.
Giit niya kung ang mga motorsiklo ay hindi puwedeng dumaan sa ibang lane maliban sa itinalagang lane para sa kanila, ganoon din anya ang dapat ipatupad sa ibang sasakyan.
Hindi rin umano dapat dumaan ang ibang sasakysan sa motorcycle lane.
Hindi rin anya patas ang parusang P500 multa na ipapataw sa mga nagmomotorsiklo sa sandaling lumabas ito ng motorcycle lane.
Mapanganib din anya ang lugar na ibinigay para sa kanila.
Dahil dito, nanawagan sila sa mga kinauukulan na bigyang pansin ang kanilang mga isyu.
(Ed: May reaksyon o tanong ka ba tungkol sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar, mensahe at i-send sa 09178052374)