Nu’ng Martes nang hapon ay nagpiyansa na para sa kanilang pansamantalang kalayaan sina Cedric Lee at Zimmer Raz, kahapon naman nang umaga ay nakapagpiyansa na rin si Deniece Cornejo, ang tatlong kinasuhan ng serious illegal dentention ni Vhong Navarro.
Non-bailable offense kung tutuusin ang kasong kinakaharap ng tatlo, kaya laking-gulat ng kampo ni Vhong lalo na ng kanyang tagapagtanggol na si Attorney Alma Mallonga, kung paano at bakit pinayagan ng Taguig-RTC na makakuha ng pansamantalang kalayaan sina Cedric, Deniece at Zimmer Raz na apat na buwan ding nakulong.
Binabalangkas na ngayon ng kampo ng aktor-dancer-TV host ang kanilang motion for reconsideration kakambal ang aksiyong pagpapa-inhibit ng kaso dahil sa kanilang panlasa ay hindi naging parehas ang korte sa mga isinumite nilang pruweba kung bakit dapat lang madiin-makulong ang mga nasasakdal.
May himig din ng pagpapayo ang mga salita ng abogado ni Vhong Navarro na dahil sa mga pinakabagong pangyayari ay mas kailangang mag-ingat ngayon ng kanyang kliyente.
Ayon sa korte ay hindi raw nalapatan ng mga kaukulang ebidensiya ng panig ni Vhong Navarro ang kanilang pinaglalaban, kahit pa madiing-madiin ang pahayag ni Attorney Mallonga na kumpleto ang kanilang isinumiteng mga pruweba, isang malaking palaisipan din sa mas nakararami nating kababayan kung ano ang nangyari at nakalaya ang mga kalaban ng aktor.