UNA nang lumapit sa Bantay OCW si Ely Bulus ng Quezon City, may pitong taon na ang nakararaan.
Hindi ‘anya nagpapadala noon ang asawang nasa Saudi. Matapos naming makipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noon, na-gulat na lamang siya na muling nakipag-ugnayan ang asawa at tumupad na sa obligasyon nito.
Mula noon regular na nilang natatangap ang pinansiyal na suporta ng pamilya.
Ngunit nasangkot ito nang mahuli ng mga pulis at makasuhan siyang kasama sa mga nagbebenta ng alak na bawal na bawal sa Saudi Arabia. Na siyang dahilan ng kaniyang pagkakakulong sa loob ng anim (6) na buwan at saka siya idineport.
Ayon kay Ely, nang mapauwi ito sa Pilipinas, hindi na rin tumuloy ang asawa sa kanilang bahay. Umuwi ‘anya ito sa na-ging karelasyon niya at kinakasama na ngayon.
Palibhasa’y wala rin naman ‘anya siyang maaasahan, kung kaya’t pinabayaan na rin ni Ely ang asawa sa piling ng iba. Wala rin ‘anya kasi itong permanenteng trabaho at hindi na rin niya inobliga para sa pangangailangan ng pamilya.
Pero muling nag-abrod si mister. Apat na buwan na ‘anyang nasa Kuwait ang asawa. Kaya nagbalik muli sa amin si Ely upang ipakiusap sa Bantay OCW na suportahan siya at ang kanilang mga anak.
Walang inaksayang panahon ang ating katuwang sa Bantay Kaso na si Atty. Deo Grafil, ang head ng OFW Concerns mula sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay na siyang Presidential Adviser on OFW Concerns.
Agad tinawagan ni Grafil ang mister ni Ely sa Kuwait, ngunit madaling araw pa iyon sa kanilang oras doon, kung kaya’t hindi nito sinasagot ang kaniyang mobile phone. Matapos iyon itinawag na niya sa tanggapan ng OWWA ang naturang reklamo at tumugon naman si Welfare Officer Yolly Penaranda na hihintayin niya si Ely sa OWWA upang agad maasikaso ang naturang reklamo.
Maraming salamat sa ating mga partner sa mabilis na pagtugon sa reklamong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.