Binay-MVP sa 2016, seryoso ba ito?

SERYOSO nga ba ang alok ni Vice President Jejomar Binay na maging running mate ang business tycoon na si Manny V. Pangilinan?

Dahil kung ‘oo’ mukhang maraming pangarap na ang nasira ni Binay.

Malakas na kandidato si Binay, ayon sa mga survey, kaya nga daw siya tinitibag ngayon pa lang.

Kaya, syempre, mayroong mga gusto na ma-ging runningmate niya sa 2016 presidential elections.

Kung malakas kasi ang presidente, umaasa ang magiging runningmate nito na mahahatak siya at mananalo.

Pero sa Pilipinas mukhang hindi na uso na ang magka-tandem sa pagkapangulo at bise presidente ang nananalo, o baka naman mali lang ang iniisip ko.

Nang tumakbo si Joseph Estrada, hindi nanalo ang kanyang running mate na si dating Sen. Edgardo Angara. Tinalo si Angara ng ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Nang tumakbo si Arroyo noong 2004 elections tinalo niya si Fernando Poe Jr., at nanalo ang kanyang running mate na si noon ay Sen. Noli de Castro.

Noong 2010 elections, nanalo ang noon ay senador at ngayon ay Pangulong Aquino. Talo naman ang kanyang runningmate na si Mar Roxas, ngayon ay kalihim ng DILG.

Sa 2016 polls, magagawa kaya ni Binay ang nagawa ni GMA, ang papanalunin ang kanyang runningmate?

Ayon sa mga analyst, iba ang sitwasyon noong tumakbo si GMA. Nakaupo siya noon sa puwesto kaya pinupuna siya dahil sa paggamit umano ng resources ng gobyerno upang makahabol sa noon ay nangunguna sa survey na si FPJ.

Dahil sa yaman ni MVP, ang tingin ng marami ay pondo ang habol ni Binay sa kanya. Magastos ang eleksyon sa 2016 polls.

Pero kung papayag si MVP kahit alam niya na maliit ang tyansa na siya ay manalo, ano kaya ang hihingiin nito kapag nakaupo na si Binay?

Maging Finance secretary kaya? Dahil nagtagumpay siya sa pagpa-patakbo ng kanyang mga negosyo, sana kung uupo man siya sa DoF, ma-patakbo rin niya ng maayos ang ekonomiya ng bansa.

Kung si MVP ang runningmate ni Binay, papaano na kaya ang nakakulong na si Sen. Jinggoy Estrada.

Bago pa ipinasok sa ob-lo, matunog ang balita na siya ang magiging runningmate ni Binay. Pero mukhang nag-iba na nga ang sitwasyon dahil sa pork barrel fund scam.

Hirit naman ng ilan baka naman ang ibig sabihin ng MVP ay Most Valuable Prisoner.

Pano na ngayon yan, baka naman tumakbo pa muli si Estrada nyan.

May nakapuna sa kulay orange na siyang simbolo ng kampanya ni Erap at ni Jinggoy.

Baka raw malas ang matingkad na kulay na ito sa mga Estrada.

Nakulong si Estrada noong 2001 at ngayon ay nakakulong naman ang kanyang anak. Parehong pandarambong ang kanilang kaso.

Ang kulay na orange ang kulay ng damit ng mga preso.

Read more...