UE humirit ng playoff para sa huling semis slot

UE, UST, UAAP

NAKAHIRIT ng playoffs para sa huling semifinals slot ang host University of the East matapos nitong biguin ang University of Santo Tomas, 78-73, kahapon sa 77th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Si Pedrito Galanza ay gumawa ng 17 puntos at pitong rebounds, si Dan Alberto ay may 15 puntos habang si Roi Sumang ay nagdagdag pa ng 10 puntos, limang assists, apat na rebounds at isang steal sa 20 minutong paglalaro para pangunahan ang Red Warriors sa panalo.
Ibinangko naman ni UE coach Derek Pumaren sa first half si Charles Mammie dahil na-late ito sa pagdating sa Araneta Coliseum. Bumawi naman siya sa second half  at kumamada ng pitong puntos, limang rebounds at tatlong assists sa 17:50 minutong paglalaro.
Tinapos ng Red Warriors ang 14-game elimination round bitbit ang
9-5 karta para makatabla ang National University sa ikaapat na puwesto. Ang dalawa ay magtutuos sa Sabado para malaman kung sino ang makaka-sama ng Ateneo, Far Eastern University at La Salle sa Final Four.
Si Aljon Mariano ay mayroong 18 puntos, tatlong rebounds, dalawang steals at isang assists sa kanyang huling laro para sa Tigers na tumapos na may  5-9 kartada. —Mike Lee

Photo: Inquirer

Read more...