SA nalalabing mga araw ng walang paglilingkod sa seguridad ng taumbayan, mahihirap man o mayayaman, isa lang tiyak na mangyayari: mas maraming busabos na boss ang mabibiktima pa ng mga kriminal at kriminal na mga pulis. Kauulat lamang ng National Capital Region Police Office na bumaba ang krimen sa Metro Manila nang sumiklab ang sunud-sunod na krimen na kagagawan mismo ng mga pulis nina Alan Purisima at Mar Roxas.
Kung hindi iniulat ng media ang sunud-sunod na krimen ng mga pulis, disinsana’y natuwa pa ang Ikalawang Aquino, ang butihing bugtong na anak na lalaki nina Ninoy at Cory. Hindi natuwa si Aquino sa ulat ng media at binansagan pang di patas ang ulat. “Nakakadismaya nga po kung minsan, dahil nakikita natin na kapag may krimeng nangyari, headline sa dyaryo. Kapag naman nalutas ang krimen, kailangang hanapin ang kapirasong ulat sa page 20. Hindi naman kalabisang hilingin na maging balanse sa pagbabalita ukol sa krimen, ‘di po ba?” pakli ni Aquino.
Teka. Si Aquino ay hindi editor. Kung nag-aral man ito ng news evaluation ay hindi niya naintindihan ang mga krimen na mismong mga pulis ang may kagagawan. Kahit ang batas ay katig sa malaking pag-uulat ng kahindik-hindik na mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis, na sinusuwelduhan ng busabos na mga boss, sa ilalim ng “public interest and concern,” ng Zafra vs Mangi, et al. Oo nga naman. Hindi rin abogado si Aquino. Pero, ang batas ay binibigyan ng proteksyon ang media sa pag-uulat ng kahindik-hindik na mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis. Napakalayo ng pagkukumpara ni Aquino sa kahindik-hindik na krimen ng mga pulis at sa krimen na nalulutas at binibigyan ng maliit na espasyo sa pahina 20 (12 pahina lang ang Inquirer Bandera, kaya tiyak na hindi niya turan ang pahayagang ito na tinatangkilik ng taumbayan). Ilang krimen ba ang nalutas ng mga pulis? Ilang krimen na kagagawan ng mga pulis ang nalutas ng pulis? Mas marami ba ang bilang ng nalutas na mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis kesa bilang ng kahindik-hindik na mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis? Marahil, sa tagal ng pagsasalita sa mga otel at covered court, nasanay na si Aquino sa pagturan sa malayo. Parati siyang nakatanaw sa malayo kapag nagsasalita at bagay nga naman kapag tinatamaan ng camera ng TV.
Pero, nasa harap lang niya ang mga biktima ng mga pulis. Nasa kalye lang ang mga biktima ng mga pulis. Sa madaling salita, tukuyin ang bawat krimen at huwag pasadahan ito ng pahapyaw. Lutasin ang bawat krimen at huwag mainis o mapikon sa media.
“Nakakadagdag pa nga po sa agam-agam ang sadyang pagpapakalat ng mga balitang wala namang basehan,” banat ni Aquino sa media. Mabigat na akusasyon ito sa media, ang “pagpapakalat” ng balitang walang basehan. Ang media ay “nagpapakalat” ng balita nang may basehan. Hindi ibinabase ng media ang balita sa text message, sa facebook, Twitter o social media. Pero, ito ang basehan ni Aquino para banatan ang media: “Kayo po’y nakatanggap ng kumalat na text, mga dalawang linggo na po siguro sa araw na ito, na ang sabi daw ay may isang estudyante ng isang prestihiyosong paaralan na naging biktima ng kidnapping. Hindi pa po sila nakuntento, dahil pagkatapos ng pagkalat ng text na iyan, sa kasunod na linggo, may isang text na namang pinakalat, na nagsabing pinaslang na raw ang kinidnap na bata.”
Sa nakalipas na apat na taon nina Aquino, Purisima at Roxas, dumoble ang bilang ng krimen at pataas pa ito, base sa 18% taas na naitala simula Enero hanggang Mayo. At mismong si Purisima ang naglabas ng datus noong Hunyo 27. Hindi na nga mapigilan ang pagkakasangkot ng mismong mga pulis, at mga opisyal pa, sa malalaking krimen. Malinaw na sa loob mismo ng National Police sumisibol ang pusakal na mga kriminal. Dito isinasagawa ang plano at dito rin sila nagtatago kapag di pa natutukoy.
At kapag natukoy na at iniulat sa media, nadidismaya pa ang ating butihing pangulo.
Dismayado sa krimen
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...