Kaso ni Billy mas lalong gumulo dahil sa kadaldalan ni Nadia at ng Talent Manager


Mas maraming nagsasalita ay mas nagiging magulo ang kuwento. Mas maraming umeeksena ay lalong gumugulo ang sitwasyon.

Ganu’n mismo ang nangyayari ngayon sa mga kinasasangkutang asunto ni Billy Joe Crawford na isang gabing nakulong dahil sa panggugulo sa isang presinto habang lasing na lasing.

Iba ang mga komento ng kanyang manager na si Arnold Vegafria, ayon dito ay may nakasamaan ng loob si Billy sa labas, kaya nagwala siya at tumakbo sa presinto para humingi ng saklolo.

Ayon naman kay Nadia Montenegro (ewan kung bakit ito agad-agad na sumaklolo kay Billy, magkaibigan siguro sila pero hindi lang natin alam) ay wala raw nakaaway si Billy, lasing na lasing lang daw talaga, kaya para huwag na siyang makapanakit pa o masaktan ay tumakbo na siya sa pinakamalapit na presinto.

Sino ngayon sa dalawa ang nagsasabi ng totoo? Sino kina Arnold at Nadia ang dapat paniwalaan tungkol sa totoong pangyayari?
Naiintindihan ng mas nakararami kung bakit nagpapainterbyu si Arnold Vegafria, manager ito ng sangkot sa kaso, pero kung bakit sige rin sa kapapainterbyu si Nadia Montenegro ay walang nakakaalam kung bakit.

May mga anak na dalaga si Nadia, puwedeng kaibigan ni Billy Joe Crawford ang mga ito, puwede rin namang kaibigan din ni Nadia ang singer-TV host.

Sana nga ay ‘yun ang namamagitang pagkakaibigan sa kanila para naman maparolado si Nadia Montenegro sa mga naglalabasang komento ngayon ng nagpakabawang na naman ito. Kasahog sa lahat ng uri ng lutuin.

Read more...