Napa-Catapang

NAKAPANININDIG-balahibo ang pangako ni Gen. Gregorio Pio Catapang na buburahin niya ang rebelyon ng komunista at ang pambabandido nito sa pangingikil ng pera sa lehitimong mga negosyante sa taon 2015.  Nakangangalisag ng balahibo sa tenga dahil ang kanyang boss, ang butihing Ikalawang Aquino na anak nina Ninoy at Cory, ay wala namang ipinangangako sa taumbayan at sa biktimang mga negosyante na lilipulin nito ang armadong mga komunista (meron din namang armadong mga komunista sa Kamara at Senado, dangan nga lamang at hindi nila inilalabas ang kanilang malalakas na kalibre ng baril). Si Ninoy ay direktang nakikipag-usap at nakikipagkita sa mga lider komunista at si Cory naman ay agad na pinalaya si Jose Maria Sison nang siya’y iluklok sa panguluhan ng mga sundalo nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos.
Kung nangako si Catapang na lilipulin niya ang rebelyong komunista sa 2015 at wala naman sa guni-guni ni Aquino na lumpuhin ang komunismo, lalo na sa mahihirap na kanayunan, tila wala sa kumpas ang gagawin ng pinuno ng hukbong sandatahan.  Nakatatakot isipin na kung wala ito sa kumpas ay wala rin itong basbas.  At kung wala itong basbas ay mistulang lakad lamang ng platon ang gagawin ni Catapang.  Si Jovito Palparan ay buo ang loob na labanan ang komunista dahil may utos ito at basbas ni Gloria Arroyo.  Alam ni Palparan namistulang imposibleng misyon ang kanyang gagawin dahil napakaraming balakid ang kanyang aakyatin para lamang umusad ang kanyang adhikain.  Nasa panig ng gobyerno si Palparan kaya’t alam niya kung sino ang kalaban.  Nasa panig ng gobyerno si Catapang kaya alam niya kung sino ang kalaban.
Napakaraming balakid ang aakyatin ni Catapang.  Pinalaya ng Department of Justice, sa ilalim ng pamumuno ni Leila de Lima, noong Dis. 10, 2012, ang mga komunistang Morong 43.  Malaki at marami ang alam ni Catapang sa komunistang Morong 43.  Pinalaya sila sa kabila ng pag-amin ng ilan sa kanila na sila’y tumutulong sa New People’s Army.  Kung bakit pinalaya ni De Lima ang nahuli sa aktong nag-aaral ng paggawa ng bomba at improvised explosives ay siya lang ang nakaaalam – ng tunay na dahilan ng pagpapalaya.  Sa sumunod na mga taon, nahuli ng militar ang isang rebelde, na isa nga sa Morong 43.
Sa kanayunan, mas nahaharap si Catapang sa mas maraming balakid. Protektado ng congressman, gobernador, mayor, konsehal at mga opisyal ng barangay ang New People’s Army.  Ito ang dahilan kung bakit madalas malagasan ng mga sundalo, at opisyal, ang Armed Forces. Mistulang nakikipaglaban sa hangin, na sa isang iglap ay nariyan na ang kalaban para ubusin ang tagapagtanggol ng pamahalaan.  Kapag nagtagumpay si Catapang ay di nalalayo na babansagan din siyang berdugo, tulad ng bansag kay Palparan.  Berdugo ang bansag kapag ang nalalagas ay komunista.  Pero, hindi berdugo ang komunista na mismong pumapatay sa sarili nilang hanay dahil lamang sa suspetsa na deep penetration agent ang inakusahan, sinintensiyahan, binitay at inilibing sa killing fields.  Hindi sila berdugo, bagkus bayaning mandirigma ng bagong hukbong bayan, kaya’t di nalalayo na ang isang command ay ipangalan na rin sa kanila.
Walang nakaaalam at nakababatid sa diskarte ni Catapang para lipulin ang mga komunista.  Hindi kayang patayin ng bala ang ideyolohiya.  Pero, may nagsasabing wala nang ideyolohiya ang komunista ngayon, tulad ng wala na ngang ideyolohiya ng partido komunista ng China.  Maaaring kaiba sa lahat ng modelo ng komunismo ang komunistang Pinoy.  Kaiba nga.  May pahiwatig si Catapang na isasantabi muna niya ang paggamit ng dahas sa mga komunista.  Magandang panimula ito.  Kilala ng taumbayan kung sinu-sinong senador, kongresista, gobernador, mayor, konsehal at opisyal ng barangay ang kakampi ng mga komunista, o mismong komunista na nga.  Kung ito ang susundan ni Catapang ay baka magulat siya’t himatayin: napakarami pala ng tagasuporta’t tagasunod ng komunista.  At isa na nga riyan ay ang Commission on Human Rights.  May karapatang pantao ang komunista, ang sundalo’t pulis ay wala.  Alam ito ng mga balo ng maliliit na kawal na napapatay sa patraydor na laban.  Walang kalaban-laban.  Sinusubukang hugasan ng luha ng balo ang kalunus-lunos na sinapit ng asawa; api na sa hukay ay sinisi pa ng commander-in-chief.
May mapapala ba si Catapang sa kanyang gagawin?  Walang napala si Palparan sa kanyang ginawa.  Wala ring napala ang mga sundalo na nagbuwis ng buhay sa Samar, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Compostela Valley. Hindi rin sila ipinagtanggol ng CHR at ng kanilang commander-in-chief.  Kung may kinilala mang kabayanihan sa hanay ng sundalo’t pulis, ito’y dahil nagka-interes ang media na isiwalat ito para sa kabatiran ng lahat.  Sa mga larangan na hindi iniulat ng media ay sising-alipin na lang ang balo.
Dasal ng kawal na magtagumpay si Catapang.  Dasal ng nagmamahal sa demokrasya na patnubayan nawa si Catapang ng Diyos.

Read more...