Buhul-buhol ang trapik nu’ng nakaraang Biyernes. Ewan kung sino ang promotor ng one truck lane, ‘yun ang itinuturong dahilan kung bakit nagmistulang malawak na parking lot ang NLEX, dalawang oras at kalahati kaming nakulong ng trapik na naging dahilan ng pagka-late namin sa radyo.
May pinuntahan ang aming piloto at si Tina Roa, sa sobrang trapik ay hindi rin sila nakabalik agad sa TV5, kaya sa halip na mapanghal sa paghihintay ay nagdesisyon kaming mag-taxi na at sa gallery na lang namin hihintayin ang aming mga kasama.
Nakipagkuwentuhan kami ni Richard Pinlac sa taxi driver, maraming hinaing si Manong Driver, napakalaking bawas nga naman sa kanilang maghapong pagsasakripisyo ang matinding trapik kahit saan.
Nauwi ang aming kuwentuhan sa lungsod ng Maynila, nagulat kami ni Richard sa komento ng driver, “Si Vice-Mayor Isko Moreno, mayabang umasta, parang hindi siya galing sa kahirapan.
Kung makapanigaw siya ng mga drayber, parang hindi siya dating namamasura lang.“Natungtong lang siya sa kalabaw, mas tumaas pa siya sa tinutungtungan niya. Mabait si Mayor Erap sa mga drayber!” himutok ng taxi driver.
Hindi maganda ang nabubuong imahe ngayon ng mas nakararami kay VM Isko Moreno. Lalo na ang pag-Iingles-Ingles niya kahit puwede namang hindi, may kakambal na angas ang dating nu’n para sa mga nakamasid sa kanya, halatadong sabik na sabik siya sa rekognisyon.
Nagkatinginan kami ni Richard habang naglilitanya ang driver, naalala namin ang kawalan ng utang na loob ng aktor-pulitiko nang pumanaw ang ina ni Morly Alinio, ang reporter na napakalaki ng nagawa para sa kanyang pag-aartista.
Ni hindi sumilip sa burol si VM Isko, ni walang tawag o text, nagpadala lang siya ng bulaklak na karaniwan niyang ipinadadala sa mga yumayaong nasasakupan niya sa lungsod.
Ang natuntong lang sa kalabaw na ‘yun, hindi lang siya mayabang, wala pang utang na loob!