BUO ang tiwala ni MARINA Administrator Maximo Mejia, Jr. na mananatili at hindi iuurong ng European Maritime Safety Audit (EMSA) ang kanilang pagkilala o recognition sa Pilipinas, sa kabila nang naunang usap-usapan sa maritime industry na hindi nga pumasa’ ang bansa sa naturang audit na isinagawa noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM kay Mejia, sinabi niyang napakalayo na at marami na ang mga pagbabagong nagawa ng pamahalaan na may kinalaman sa industriyang ito simula noong 2012 hanggang ngayon.
Nagtungo sa Brussels, Belgium sina DOTC Secretary Emilio Abaya at MARINA Administrator Max Mejia noong October 2013, at iprinisinta sa European Commission ang bagong batas hinggil sa ipatutupad na mga reporma sa maritime sa Pilipinas.
Kinatawan ‘anya nila ang 400,000 mga seafarer, lakip na ang full authority mula mismo kay Pangulong Aquino.
Natuwa naman ang vice president ng EU Commission sa isinumiteng planong reporma kung kayat tiniyak nito ang pagkilala sa mga Filipino seafarer.
Umaasa ang Marina sa makukuha ang full recognition sa pagbabalik ng Inspection Team ng EMSA sa September 30.
Nakatakdang bumisita naman si Pangulong Aquino sa EU Commission sa Belgium upang makipagkita sa ilang opisyal ng EMSA bilang suporta at pagpapakitang seryoso ang bansa sa mga reporma sa maritime.
Dahil dito, unti-unti nang nawawala ang banta na hindi kilalanin ang bansa. Sabi pa ni Mejia, patunay lamang itong pasulong at hindi paatras ang kanilang mga hakbang.
Sa kabilang banda, inamin naman ni Mejia na nasa transition period pa rin ang Marina matapos itong italaga bilang Single
Maritime Administration, nang lagdaan ni Pangulong Aquino ang RA 10635 noong Marso 13, 2014, para sa Standards of Training Certification and Watchkeeping (STCW) Convention.
Nang maitanong ng Bantay OCW kung may mahaba ba pang pila sa MARINA sa pagkuha ng Certificate of Proficiency (COP), masayang naibalita ni Mejia na simula noong September 3, 2014, nagseserbisyo na sila mula 5:30 a.m. hanggang 10:30 p.m.
Naubusan ‘anya sila ng pondo para sa pagpoproseso na siyang dahilan ng mahabang pila. Makakakuha na rin ang COP sa Cebu, Iloilo, Tacloban at Davao.
Balik normal na rin ang pagpoproseso ng Seafarer’s Identification and Record Book (SIRB). Wala na rin ‘anyang backlog ang Marina dahil nagkaroon lamang sila ng disruption ng supply nitong mga nakaraang buwan.
Nananawagan na rin si Mejia sa may 12,000 nating mga seafarer na puwede na nilang kunin ang kanilang mga seaman’s book.
MMAP, Kabalikat ng Marinong Pinoy sa Matuwid na Daan “Anumang unos sa dagat at bagyo sa lupa, kayang-kaya ‘anyang harapin iyan ng mga Pinoy seafarers”, ito ang masayang tinuran ni Captain Rodolfo Aspillaga, pangulo ng Masters and Mates Association of the Philippines. Palaging naka-alalay ‘anya ang MMAP at maaasahan sa lahat ng panahon.
Dagdag naman ni Capt. Edwin Itable, Vice Presideng ng MMAP, buo ‘anya ang kanilang suporta sa anumang programa ng pamahalaan para sa kapakanan ng ating mga marino.
Mapapakinggan sa Bantay OCW simula ngayong Biyernes (September 5) sina Capt. Aspillaga at Itable sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM, ganap na 11:00 ng umaga.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes alas 10:30 am hanggang alas-12 ng tanghali. Maaaring sumulat sa bantayocwfoundation@yahoo.com o susankbantayocw@yahoo.com www.ustream.tv/channel/dziq
Helpline: 0927.649.9870