Jake baliw na baliw kay Bea; may bagong teleserye sa GMA

JAKE VARGAS AT BEA BINENE

TIYAK na matutuwa ang fans ng JaBea loveteam dahil muling magbibida ang kanilang iniidolo na sina Bea Binene at Jake Vargas. Kabilang sila sa upcoming primetime series na Strawberry Lane.

Bukod sa kilig, kapupulutan pa ng inspirasyon at aral ang panibago nilang programa sa Kapuso Network.
Ipakikita sa Strawberry Lane na posibleng malagpasan ang bawat pagsubok sa buhay kung haharapin ang mga ito ng may tapang at pag-asa.

Clarissa ang pangalan ng karakter na gagampanan ni Bea, bilang isang aspiring fashion designer. Bagaman gipit sa buhay, palaging masaya si Clarissa. Pero magbabago ang lahat nang magkasakit ang mahal niya sa buhay. Para matustusan ang pangangailangan nito, mapipilitan siyang magnakaw. Doon na siya ipadadala sa Angel’s Haven, ang tambakan ng juvenile delinquents.

Nakatuon ang atensyon lagi ni Clarissa sa kanyang pamilya kaya wala itong interes sa romantic love — hanggang sa makilala niya si Gabo, played by Jake Vargas.

Tagalinis si Gabo sa Angel’s Haven. Magiging kaibigan niya si Clarissa at palihim na magkakagusto rito. Gaya ni Clarissa, may dinadala ring mga problema si Gabo. Isa na rito ang pagiging lasinggero ng tatay niya.

Para sa real-life couple na sina Bea at Jake, mas lalo silang ganado na pag-igihan ang kanilang trabaho dahil sa ganda ng project na ipinagkatiwala sa kanila.

Noong 2012, itinanghal sila bilang Most Promising Love Team for Movies and TV sa 42nd Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Awards—at Celebrity Couple of the Year sa 2014 Yahoo! Celebrity Awards.

“Proud ako sa Strawberry Lane dahil marami talagang matutunang aral dito, at siyempre mas inspired ako kasi makakasama ko ulit si Jake. Definitely, wala ‘yung part na naiilang kami sa isa’t isa,” sabi ni Bea.

“Sa ganda ng istorya, bata man o matanda, maaantig. Nandoon din siyempre ‘yung kilig factor. Masaya ako na kami pa rin ni Bea ang magkasama,” sey naman ni Jake na halatang baliw na baliw talaga sa ganda ng kanyang girlfriend at ka-loveteam.

Kabilang din sa cast ng Strawberry Lane ang Kapuso stars na sina Kim Rodriguez, Joyce Ching, Joanna Marie Tan, Rita de Guzman, Kiko Estrada at Jeric Gonzales. Mapapanood na ang Strawberry Lane ngayong Setyembre sa GMA Telebabad.

Read more...