Zanjoe ayaw pang mag-propose kay Bea: Wala pa, pareho pa kaming bata!

BEA ALONZO AT ZANJOE MARUDO

WALANG balak makiuso si Zanjoe Marudo sa mga celebrities na nagpo-propose sa kanilang mga girlfriend.

Ayon sa Kapamilya hunk actor, wala pa talaga silang plano ni Bea Alonzo na lumagay sa tahimik. Hindi rin daw sila nape-pressure sa mga taong laging nagtatanong kung kailan sila ikakasal.

“Uso nga raw, e. Pero iyong proposal naman at ang mga kasalan, hindi porke’t maraming gumagawa ngayon sa showbiz, kailangan gawin mo rin. Sa totoo lang, hindi pa namin napag-uusapan iyon, e, at saka pareho pa kaming bata,” nangingiting chika ni Zanjoe sa isang interview.

Tulad ng lagi niyang sinasabi, kailangan daw muna nilang i-enjoy ni Bea ang kanilang relasyon, at kailangang siguruhin niya na may sapat na siyang ipon para sa magandang kinabukasan ng kanyang magiging pamilya.

In fairness, sigurado kaming malaki na ang ipon ngayon ni Zanjoe dahil hindi talaga siya nawawalan ng trabaho. Humataw nang bonggang-bongga ang career niya this year alone – bukod sa mga teleserye ay napakarami ring nagawang pelikula ng aktor nitong mga nagdaang taon at hanggang ay patuloy pa rin ang paghataw ng kanyang karera.

Kahapon, nakachikahan muli ng media si Zanjoe sa presscon ng bago niyang pelikula under Star Cinema, ang horror-drama movie na “Maria Leonora Teresa” kasama sina Iza Calzado at Jodi Sta. Maria directed by Wenn Deramas. Ang titulo ng pelikula ay hango sa sikat na sikat na manika noon ng tambalan nina Nora Aunor at Tirso Cruz III.

Gaganap na isang closet gay si Zanjoe sa nabanggit na pelikula na magbabago ang buhay nang dumating ang kanyang “anak” pero mamamatay din sa isang trahedya.

Ibang-iba naman daw ito sa mga nagampanan na niyang role sa past movies niya, pahinga raw muna siya sa comedy dahil mananakot at magadadrama naman siya ngayon.

“Ako dito si Julio. Grade school teacher siya. May anak akong six year old girl. Closet gay ako dito pero seryoso ang atake, seryosong bading,” ani Zanjoe na very proud na nakasali sa unang horror movie na idinirek ni Wenn Deramas.

Sey pa ni Zanjoe, bukod sa pananakot, tiyak daw na maraming makaka-relate na parents at mga anak sa “Maria Leonora Teresa” dahil may puso raw ang pelikula hindi lang basta horror.

“Noong nagda-dub nga ako sa mga eksena namin, nabibigla rin ako, natatakot pa rin ako, kaya sana ganu’n din ang ma-feel ng mga manonood,” chika pa ng aktor.

Bukod kina Zanjoe, Iza at Jodi, kasama rin dito sina Dante Ponce, Cris Villanueva, Joem Bascon, Joey Paras, Eagle Riggs, Isabel Lopez at marami pang iba. Showing na ito sa Sept. 17.

Ang kuwento ng “Maria Leonora Teresa” ay iikot sa tatlong magulang: sina Faith (Iza), Julio (Zanjoe) at Stella (Jodi) na sabay-sabay nawalan ng mga anak matapos ang malagim na trahedya sa ginanap na field trip ng mga estudyante – sina Maria, Leonora at Teresa.

At para makatulong sa mga naulilang magulang, ipinayo ng psychiatrist na si Manolo (Cris Villanueva) na magkaroon sila ng life-sized dolls na kamukha ng kanilang mga namatay na anak. At dito na nga magsisimula ang mga kahindik-hindik na pangyayari sa kanilang mga buhay. Base nga sa trailer ng pelikula, mabubuhay ang mga manikang inaalagaan ng tatlong magulang na siyang maghahasik ng lagim – at maghihiganti sa mga taong may kinalaman sa kinasangkutan nilang aksidente.

Read more...