Kinlaro ni Direk Wenn Deramas na 2005 pa niya nabuo ang concept ng horror film na “Maria Leonora Teresa” pero naisantabi ito dahil ginagawa niya ng mga panahong iyon ang TV series na Maligno na pinagbidahan ni Claudine Barretto.
Hanggang nagsabi raw ang producer/director ng Skylight Films na si Enrico Santos na mag-pitch sa Star Cinema si direk Wenn at bigla niyang naalala itong “Maria Leonora Teresa”. Kilala si direk Wenn sa paggawa ng comedy-drama pero aniya hindi na bago sa kanya ang horror dahil nagawa na niya ito sa telebisyon.
“Para sa akin ang paggawa ng pananakot ay ‘yung natural. Kung baga kung masyadong technical, na gamit ang mga computer, parang nade-defuse na ‘yung takot, pero dito sa ginawa namin, 95%, tunay ‘yung mga pananakot, like yung mga dolls, tunay siya, bata na meron prosthethics, tunay na manyika, nag-a-alternate. Siyam na bata ‘yan, nag-iiba-iba ‘yung mukha depende sa manyika.
“Saka para sa akin, mas importante ‘yung kuwento na may pinanggagalingan,” paliwanag mabuti ni direk Wenn.
Natanong si direk Wenn kung malaki ba talaga ang nagagawa ng mga manyika sa buhay ng mga taong nawawalan ng anak.
Ganito kasi ang nangyari sa isang kilalang aktres na may tatlong manyika na parang tunay na anak na ang turing nila ng kanyang asawa.
“Totoo, kasi di ba ‘yung mga bata pag umiiyak para mapatigil mo, kakargahin mo, bago matulog, pinapayakap mo ng manyika o rugdoll o stuffed toy,”paliwanag ng direktor.
Binanggit ang pangalan ni Rita Avila na may mga alagang manyika at anak na ang turing kaya tinanong si direk Wenn kung naging peg niya ang aktres.
“Hindi naman po, napaka-insensitive ko naman kasi kaibigan ko si Anna (tawag niya kay Rita) mula sa UST at kaibigan ko rin ang asawa niyang si (direk) FM Reyes. Hindi naman po ako aabot sa ganu’n na gagamitin ko ‘yung personal na nangyari sa tao. Nagkataon lang talaga,” pahayag nito.
Mapapanood na ang “Maria Leonora Teresa” sa Set. 17 mula sa Star Cinema kasama sina Zanjoe Marudo, Iza Calzado at Jodi Sta. Maria with Atak, Joey Paras, Dang Cruz, Eagle Riggs, Cris Villanueva, Dante Ponce, Maria Isabel Lopez at Joem Bascon.