HINDI lang magkatimbre ang boses nina Sarah Geronimo at The Voice of the Philippines runner-up Morissette Amon kundi malaki rin ang pagkakahawig nila. Nakita namin nang malapitan si Morissette sa presscon ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2014 songwriting contest, at doon namin napatunayan na magkamukha nga sila ng Pop Princess.
Isa si Morissette sa napiling mag-interpret sa isang entry sa Himig Handog 2014, ang “Akin Ka Na Lang” composed by Francis Louis Salazar. Nang makorner ng press ang dalaga, tinanong siya kung ano ang feeling na lagi siyang ikinukumpara kay Sarah?
“Unang-una po kasi sobrang blessed po ako na sa The Voice binigyan po ako ng pansin ni Coach (Sarah) sobrang blessed na po ako nu’n. Never akong na-offend kapag sinasabing magkahawig kami, honored nga po ako. Kasi, di ba, sa nag-iisang Sarah Geronimo ako na-compare.
“Hindi ko na rin po siguro maiwasan o matanggal yung pagka-Sarah ko kasi influence ko naman talaga siya, idol ko siya. Pero yun lang, I have to do something different from her to stand out. Ayun, para makagawa po ako ng sarili kong identity.
“I just have to find a way to separate myself from her. Kasi yun din, sa The Voice, coach ko rin siya. So marami talaga akong nakukuha from her,” paliwanag ni Morissette.
Hindi rin daw totoo na may gap sila ng Pop Princess dahil sa mga tsismis sa kanila, “Natutuwa nga po ako. Kasi siya mismo nagsasabing ‘Uy! Magkapatid daw tayo!’ tapos ‘kino-compare tayo,’ okay naman po sa kanya, wala naman daw pong issue ‘yun.
“Although hindi naman maiwasan na meron talaga magba-bash sa akin, like ‘Uy, second Sarah ka lang. Hindi mo siya malalagpasan.’ Kinakausap ko naman siya. Nag-uusap kami sa ASAP and nag-i-email din po kami. So the connection between us is okay naman po.
“Humihingi pa rin ako ng pasensya sa kanya na ‘Coach, wala akong intensiyon na ma-hurt ka’ and yun lang, gusto ko lang talaga gumawa ng sarili kong identity, and she understands that kasi pati rin naman siya,” chika pa ng dalagang singer.
Samantala, isa sa malakas ang laban sa gaganaping finals night ng Himig Handog P-Pop Love Songs (Sept. 28 sa Araneta Coliseum) ang “Akin Ka Na Lang” ni Morissette kung saan pinalakpakan ang kanyang “whistle voice”, tulad ng ginagawa ng international singer na si Mariah Carey.
Maganda rin ang MTV nito na tungkol sa pagiging “friendzoned”. Sey ni Morissette, “Parang ito yung kinakantahan mo yung gusto na parang wala ka namang pag-asa, medyo masakit siya, relatable siya. Birit siya, which is, technical-wise, medyo mahirap po siya. Pero marami pong makaka-relate.”