Huwag kang magnanakaw. —Exodus 20:15
NOONG panahon ni Gloria Arroyo, isa ang anak nina Ninoy at Cory sa mga nanggagalaiti na ipasa na sa Kamara at Senado ang Freedom of Information bill. Ang FOI ang siyang maglalantad ng napakaraming lihim sa ZTE-NBN deal, karamihan dito ay ibinulgar nina Joey de Venecia at Jun Lozada. Lahat ng ito ay naglalaman ng pagiging gahaman sa salapi. Ang FOI ang siya rin sanang magbubulgar kung may katotohanan ang nilalaman ng Hello Garci, o propaganda lamang ito para tuluyang siraan si Arroyo; dahil umalma ang mga Cebuano sa paratang na sila’y mandaraya at binigyan ng tatlong milyon boto si GMA at inilampaso si FPJ, na kailanman ay hindi nagkaroon ng seryosong tiket sa Cebu; ang Hello Garci na hayagan at garapalan daw na dinaya si Da King, gayung ang ikinampanya nina Cory at Nonoy ay si Gloria at hindi si Fernando. Ang FOI ay siya rin sanang magbubulgar sa mga kayamanang nakamal nina Mike Arroyo at mga anak na politiko.
Ang FOI na siya rin sanang maghahayag ng kayaman ni Ben Evardone, na kung sino ang nakaupo sa trono sa Malacanang ay parati siyang naroon para ipagtanggol ang mga ito (bagaman napakagaling si Evardone sa pagtatanggol kina GMA at Ikalawang Aquino, kung tutuusin ay napakahirap na trabaho ito dahil hindi ito kaya ng arawang obrero. Napakahirap sumipsip sa mga ako, pero may magaling nga rito, na siyang dahilan kung bakit nagpapatayan ang mga construction workers at security guards).
Kung noon ay inakusahang nagpayaman ang sipsip na mga politiko kay GMA dahil walang FOI, gayun din ang pahayag, hindi panananaw, ni Rep. Terry Ridon. “Well, Mr. President, did you consider that billions of public funds are easily being funneled by corrupt politicians to their own pockets because of lack of public scrutiny? Lack of essential information that hinder Filipinos from being free and self-governing can actually be considered a national emergency in itself,” ani Ridon. Tinuldukan na ni Aquino ang FOI dahil wala raw itinatago ang kanyang administrasyon. Pero, kailangang himayin at kuwentahin kung saan-saan at kani-kanino napunta ang pera ng taumbayan sa PDAF (Priority Development Assistance Fund). Hinihimay at kinukuwenta lang ba ang pera ng taumbayan kapag ang itinuturong kasangkot o promotor ay sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Johnny Enrile? Marami rin namang kasangkot na kaalyado ni Aquino sa pagwawaldas ng pera ng taumbayan, pero dahil sila’y kaalyado at nagbubuhos ng yelo-yelong papuri sa solterong pangulo, hindi sila idinedemanda at puro buladas lang na idedemanda naman daw. Malaki, at napakalaki, ng kaibahan sa gawa at ngawa.
Higit na kailangan ang FOI sa DAP (Disbursement Acceleration Program), pero ang higit na tatamaan dito ay si Florencio Abad, ang sinasabing arkitekto ng programa. Kung may arkitekto ay tatamaan din ang enhinyero, at dili iba’t si Aquino mismo. Pero, hindi maaaring idemanda ang pangulo, na siya ring nangyari noong nakaupo sa puwesto si Gloria.
Hanggang ngayon ay walang kuwenta kung saan-saan at kani-kanino napunta ang DAP, ilan dito ay idineklarang ilegal ng Korte Suprema. Ang DAP ay kontrolado ng Malacanang pero hindi ito naglalabas ng kuwenta kung saan-saan at kani-kanino napunta ito. Merong mga dokumentong sinasabi at ipinakikita ang Malacanang hinggil sa kung saan napunta ang DAP pero hindi sinasabi nito kung kani-kanino napunta, kung paano ginasta, o nilustay, sa kahuli-hulihang sentimo ng taumbayan.
Hanggang ngayon ay hindi alam ng arawang obrero, ng mahihirap na binubuwisan oras-oras kung kaninong mga senador at kongresista napunta ang DAP. Pero, mainit ang mata ng publiko kina Franklin Drilon at Feliciano Belmonte. Hindi sapat na ikaila nila nang tuwiran ang hinala’t akusasyon ng mga boss ni PNoy. Ang kailangan ay kuwentas klaras, na maaari lamang makamit ng FOI, hindi ng buladas ng mga estudyante sa Malacanang.
Iginiit ni Aquino na hindi kailangan ang FOI dahil wala raw itinatago ang kanyang mga kaibigan, kabarilan, kaklase, kakilala, kamag-anak, atbp. Pero, higit na kailangang ang FOI ngayon para tunay na malaman, talaga, ang napakaraming dahilan (galing iyan mismo sa araw-araw na turuan ng mga opisyal ng Department of Transportation and Communications) kung bakit hindi na tinatantanan ng aberya ang mga pasahero ng MRT. Kung ang sinasabing mga dahilan ng aberya ay turnilyo, kable, pang-ilalim at preno, aba’y Abaya, mas masinsin pa pala ang pagmamantine ng pampasaherong mga jeepney, gayung karaniwang mekaniko, at hindi enhinyero, ang nagmamantine ng mga ito.
Muhing-muhi si Aquino kay Arroyo. Lagpas pa sa langit ang pagkamuhi ni Aquino kay Arroyo. Ayaw ni Arroyo noon sa FOI at ang kanyang napakaraming kaalyado’t bayaran sa Kamara ang pumatay sa higit na kailangang panukalang batas. Ngayon ay ayaw ni Aquino sa FOI at ang kanyang napakaraming kaalyado sa Kamara ang pumatay dito. Wala palang ipinagkaiba sina Arroyo at Aquino. Kapwa nila ayaw ang FOI.
Sa mata ng mahihirap, sino nga namang magnanakaw ang magpapapasok ng pulis sa kanyang bahay?
Bahay ng magnanakaw
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...