Tapas y Vino sa Madrid


Narito ako sa Madrid, ang kapital ng España. Ito ang aking ikapitong beses na pagbisita sa España at pangalawang pagkakataong pagbisita sa Madrid.

Maliban sa Madrid ay wala nang iba pang lungsod sa Europa na ako’y lubos na napahanga. Dito ay nababalangkas ko ang mga yapak ng ating mga bayani, mula kay Juan Luna, kung saan siya nag-aral ng sining sa batikang paaralan ng Escuela Bellas Artes sa Calle Alcala, hanggang kay Jose Rizal at sa mga propagandista.

Ano kaya ang kanilang kinain noong sila ay nakatira pa sa Madrid? Nagluto kaya sila ng Pancit, Lumpia at Adobo? Nakagawa kaya sila ng Tinola? May nabili kaya silang dahon ng sili roon?

Kumain kaya sila ng mga pagkaing Kastila na sumikat sa Pilipinas tulad ng Cocido, Pochero, Callos, at Chorizo?

Sa unang araw ko sa Madrid ay nagtungo kami sa isang restaurant upang subukin ang kanilang mga natatanging pagkain.
Tila kakatwa ang kaugalian sa pagkain ng mga Espanyol.

Alas-9 ng gabi ang oras ng pagkain ng hapunan ng Madrileños. Pero bago ito ay kumain muna ng mga pampagana na tinatawag na raciones at tapas: mga kutkutin tulad ng oliva, atsarang sibuyas, hamon, at chorizo.

Minsan ay inihahain ang mga ito na parang mga pulutan na inilalagay sa mga platito at ipinapatong ito sa tinapay. Serbesa, o kaya naman ay limonada o vino tulad ng La Rioja, isang uri ng red wine ang kanilang pantulak.

O di kaya ay tinto de verano, o sangria, isang numin na pinaghalong vino at limonada na may hiniwang sariwang kahel, limon o mansanas. Popular din ang zumo de melocoton o juice na gawa sa peach.

Maaga kaming nagpunta sa Rablochon dahil alam namin na mapupuno ito kapag tumungtong ang alas-8 ng gabi.Nagsimula ang aming “tapas y vino” sa Manchego, isang sikat na uri ng keso na mula sa La Mancha, ang bayan ni Don Quijote de la Mancha, isang sikat na nobela na sinulat ni Miguel de Cervantes.

Sinundan nito ang Salmon Salvaje Ahumado o smoked wild salmon na nahuhuli lamang sa karagatan ng Atlantiko.Kasama ang Pan y Picos, ito ang mga tinapay at bread sticks na kasama ng Huevos de Reblochon na tampok ang Hamon Iberico na may patatas at siling guindilla at Chipotle (isang uri ng siling maanghang).

Kakaiba ang kanilang Cocido, na halos kasing lasa ng ating menudo at callos. Hindi rin mawawala ang Croquetas de patatas, na sa aking palagay ay maituturing pambansang pagkain ng España.

Kung iisipin, ang mga pangunahing sangkap ng lutuing Español ay nagmula sa tinatawag na “New World” o ang mga lupaing sinakop ng mga Kastila noong ika-16 siglo tulad ng Mexico at Peru, kung saan nanggaling ang patatas, sili at kamatis.

Kung hindi dahil sa mga bansang kanilang sinakop, kasama na ang Pilipinas, ay  hindi siguro magiging kasing ningning ang kultura ng pagkain ng mga Español.

Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.

Read more...