Ang pag-epal ni Abaya

NITONG nakaraang mga araw, sumakay si Transportation Secretary Joseph Emilo Abaya sa MRT3 matapos siyang hamunin ng mga train commuter na danasin niya ang kalbaryo na kanilang sinasagupa araw-araw para lang makasakay ng tren.

Ang nakakatawa lang, bitbit ni Abaya ang kanyang mga bodyguard at tagapayong, habang nakamasid at nakaabang ang mga miyembro ng media.

Tumugon nga siya sa hamon ng mga train commuter, pero hindi naman epektibo ang kanyang ginawa.

Paano kasi, hindi naman siya sa rush hour sumakay. Hindi rin siya dumaan sa normal na ginagawa ng mga pasahero ng MRT.

Kung talagang sinsero si Abaya na danasin ang araw-araw na kalbaryo ng mga MRT train commuter, dapat sumakay siya ng rush hour, sa umaga at sa gabi, sa oras ng pasukan sa trabaho at uwian.

Araw-araw iba-iba ang patakarang ipinapatupad sa MRT.

Nitong nakaraang Huwebes, tanghaling tapat na ay mahaba pa ang pila sa North ave. station gayong hindi naman na rush hour.

Nakapila sa hagdanan ang mga pasahero at hindi agad pinapapasok sa istasyon.

Ang nakakaloka, pagpasok mo sa istasyon, wala namang pila. Ang luwag-luwag sa loob!

Ang siste, kinokontrol lamang ng pamunuan ng MRT ang mga pasahero ng walang rasonableng dahilan.

At nitong Biyernes, hindi na pinadaanan ang escalator (na matagal nang hindi gumagana) sa North ave. matapos madiskubre ni Sen. Grace Poe na hindi ito umaandar at ginawa na lamang hagdanan.

Sa Taft ave. station naman, pahirapan din ang pagpila bago ka pa makasakay ng MRT.
Pahirapan na nga ang pagpila, dadanasin mo pa ang hindi maganda ang ipinapakitang ugali ng mga guwardiya.

Dapat turuan din ng paggalang at maging sensitibo ang mga ito sa mga pasahero. Ako mismo ang nakasaksi sa kabastusan ng isang guwardiya rito. Isang buntis ang halos himatayin na dahil sa pagpila para makapasok sa istasyon.

Nang magrereklamo sa mga guwardiya, pinagalitan pa ito ng isang lalaking guwardiya at sinisi kung bakit siya pumila.

Imbes na humingi ng paumanhin sa kalbaryong naranasan ng buntis, maangas pa ang guwardiya.

Hindi kasi maipagkakaila ng gobyerno na bukod sa paglala ng operasyon ng MRT, hindi rin gumanda ang ipinapakitang serbisyo ng mga empleyado nito.

Dedma rin si Abaya sa panawagang magbitiw na siya sa puwesto.

Hindi rin niya nakuha ang rason kung bakit siya pinapasakay ng MRT. Ito ay para maranasan niya ang kalbaryo ng mga pasahero sa araw-araw at magpatupad ng solusyon para gumanda kahit papaano ang operasyon nito.

Itigil dapat ni Abaya ang pagpapapogi niya at isipin kung paano niya totoong gagampanan ang trabaho niya.
Kung sasakay ka ulit Secretary Abaya ng MRT, pumila sana siya sa rush hour at dumaan sa normal na proseso, at huwag na siyang magbitbit ng bodyguard at tagapayong.

Sa darating na linggo, nakatakdang imbestigahan ng Senado ang lumalalang operasyon ng MRT.

Sana nga ay may mangyaring maganda sa gagawing pagdinig at hindi rin para magpapogi ang mga senador para sa 2016.

Read more...