Hinaing ni Marissa Sanchez: Mas marami pang raket ang Manager ko kesa sa akin!


MAHUSAY na komedyana, magaling kumanta, marunong umarte at maganda ang rehistro sa camera maski na chubby, pero bakit mailap ang offers kay Marissa Sanchez?

Naitanong namin ito dahil bihira naming mapanood si Marissa sa mga serye o pelikula, huli pa namin siyang napanood sa “Maybe This Time” nina Coco Martin at Sarah Geronimo at marahil ay isinabit lang siya roon ng manager niyang si Ogie Diaz na kasali rin sa movie.

Actually, ito rin ang tanong ni Marissa sa sarili at sa manager niyang si Ogie? “Minsan nga, nakaka-offend na kasi inilalako naman talaga ako ni Ogie, tapos kapag may nasalubong kami (talent coordinator/executive), sasabihin, ‘Uy Ogie, buti nakita kita, kailangan kita.’ Di ba nakaka-offend? Ako ‘yung talent, tapos manager ko pala ang kailangan.

Mas marami pang raket ang manager ko kaysa sa akin,” birong seryosong sabi ni Marissa ng maka-tsikahan namin. Biro rin namin sa kanya, baka sinusulot ni Ogie ang mga project na para sa kanya? “Ha-hahaha! Hindi naman.” Singit naman ni Ogie, “Magkaiba kami, bakla ako, babae siya kaya paano ko susulutin.”

Binanggit namin na baka kulang si Marissa sa PR kaya hindi siya madalas maalala ng talent coordinators o ng mga bossing ng network kapag bumubuo na sila ng shows o pelikula? “Hindi naman, mabait naman, palabati naman ako, ipinagluluto ko naman ‘yung mga taong mahal ko ng specialty ko na adobo.”

Baka kulang pa ang effort na ginagawa ni Marissa kaya hindi siya napapansin. At habang hindi siya busy sa kanyang acting career ay nagpapaka-busy muna si Marissa sa promo ng kanyang pangalawa at seryosong album na may titulong “Slowing It Down”.

Maikuwento lang namin bossing Ervin, pauwi na kami noong gabi ng Agosto 23, Sabado at medyo inaantok kaya naisip naming makinig sa programa ng mga katotong Ogie Diaz at MJ Felipe sa DZMM na “OMG” at sakto, nagising talaga kami sa katatawa dahil kung anu-anong pinag-uusapan ng dalawa na nakakaaliw naman.

Anyway, special guest nila that night ang alaga ng katotong Ogie na si Marissa para i-promote na album na gusto niyang mapakinggan ng lahat.

Unang pinatugtog ang awiting “Eighteen” na ang singer raw mismo ang isa sa sumulat kasama sina Thor Dulay (The Voice finalist), Romer Timbreza at Elmer Blancaflor. At inaalay daw niya ito sa tatlong gulang na anak na babae.

Pinakinggan namin ang kanta at sobrang nadala kami sa lyrics kaya tinext namin ang katotong Ogie ng, “Ang ganda ng lyrics, nakakaiyak.” Next ang awiting, “Help Me Forget” na aakalain mong si Kuh Ledesma ang kumakanta.

Nag-comment nga rin ang katotong MJ na mala-80’s daw ang tunog.Pagkalipas ng limang araw, heto na ang katotong Ogie, baka raw puwede kaming pumunta sa pocket interview ni Marissa para sa album niya na “Slowing It Down”.

Actually, naunahan lang kami ng katoto dahil maski hindi naman niya kami imbitahin ay kukulitin namin siyang bigyan kami ng kopya ng CD ng singer-actress.

Kaya tinanong namin si Marissa kung ano ang carrier song ng album, sabi niya wala pa raw. Nagpa-survery si Marissa sa ilang katotong katsika niya at dalawa kami ng isa pang katoto na si sir Isah Red na “Eighteen” ang gawing carrier song dahil katwiran ng broadsheet editor ay huwag gawing carrier song ang cover songs dahil hindi siya matatandaan.

Ang suhestiyon daw ng katotong Ogie ay ang “Panghabangbuhay” o “Pag-Ibig Ko’y Pansinin” (ni Faith Cuneta) para may recall.  Pero kaagad din naming kinontra ni sir Isah.

Nalaman naming ikalawang album na ito ni Marissa, ang una ay puro kalokohan ang lyrics dahil double meaning, “Novelty songs kasi, di ba uso ‘yun saka ibinagay sa akin bilang komedyana.”

Si Andrew E raw ang producer ng album niya noong 2000, kaya anong mae-expect mo, e, di puro kalokohan. Sa kasamaang palad ay super-flop ang album kaya pagkalipas ng 14 years ay heto at may bagong album na si Marissa, na siya mismo ang nag-produce at idi-distrubute ng Universal Records.

Paliwanag ni Marissa, nabago ang lahat ng panuntunan niya sa buhay ng magkaanak siya at gusto niyang magpakaseryoso sa pagkanta. Hindi raw ipinaririnig ng singer/comedienne ang mga green joke niya.

“Ay hindi, siyempre ayoko. Siya nga ang dahilan kaya ayoko ng green jokes, siyempre ayoko namang isipin niya na nanay niya bastos,” sabi niya sa amin.

Magkakaroon ng grand album launch si Marissa sa Area 05 Events Place sa Oct. 29, kaya kita-kits na.

( Photo credit to EAS

Read more...