Babala ni Glydel: Mag-ingat sa pekeng empleyado ng Maynilad
NA-TRAUMA at sobrang stress ang na-experience ni Glydel Mercado dahil sa tangkang pangingikil sa kanya ng isang sindikato na nagpapakilalang mga taga-Maynilad.
Ikinuwento ng award-winning aktres sa ilang members ng entertainment media sa pocket presscon ng bagong serye ng GMA na Ang Lihim Ni Annasandra na pinagbibidahan nina Andrea Torres at Mikael Daez kung paano niya nilakasan ang kanyang loob para mahuli ang mga suspek.
Ayon kay Glydel, nu’ng una pa lang niyang malaman na umabot sa P97,000 ang bill ng tubig sa pag-aari nilang salon, alam na niyang may nangyayaring hindi maganda.
“Nu’ng binigay sa akin yung bill, nagulat talaga ako, imagine, lagi kaming nagbabayad, tapos umabot ng P97,000. Sabi ko hindi ko babayaran yung ganu’ng kalaking bill,” pahayag ni Glydel.
Kuwento pa ng Kapuso actress, may mga nagpunta raw kasi sa kanilang salon na nagsabing tampered daw ang kanilang metro kaya raw ganu’n kalaki ang sinisingil sa kanila.
“Specialist daw sila ng Maynilad, may problema raw du’n sa metro ng tubig namin. Tinamper daw. Malakas ang feeling ko na may something, e.
So, ang ginawa ko, nakipag-usap ako sa Maynilad, may iniwan silang number sa akin, tapos nakausap ko yung isang may posisyon daw du’n. Siya ang nag-suggest sa akin na ayusin na lang ang problema.
Ako, patay-malisya pa, sabi ko, ‘Ano pong ibig sabihin nu’n?’ Ayun na nga, parang padulas daw. “Pumayag ako sa gusto nila, ang napagkasunduan, P21,000 ang babayaran ko lahat-lahat, para ma-settle na raw ‘yung utang ko lahat.
Ang ginawa ko humingi na ako tulong sa mga pulis, hanggang sa mag-set na sila ng entrapment operation. “Sa loob ng salon nangyari, may ipinadala silang representative, nu’ng inabot ko na yung P21,000 sa kanya, bigla na lang niyang binitawan, yun pala nasa likod ko na yung isang pulis sa entrapment.
Ayun, nagdenay-denay na siya, wala raw siyang kinalaman du’n, napag-utusan lang daw siya. Talagang sobrang defensive niya, wala pa kaming tinatanong, ang dami na niyang sinabi,” litanya pa ni Glydel.
Sa ngayon, nakakulong daw ‘yung nahuli sa entrapment, kinasuhan din ni Glydel ang dalawa pang nagpakilalang taga-Maynilad pero hindi pa raw nahuhuli ang mga ito.
Hinding-hindi rin daw magpapa-areglo ang aktres kung sakaling makipag-negotiate ang mga suspek. Ayon naman sa mga kinauukulan, huwag basta-basta maniniwala sa mga taong pumupunta sa kanilang mga bahay na nagpapakilalang mga specialist ng Maynilad, mas mabuting tumawag muna at makipag-usap sa mga lehitimong staff ng ahensiya para hindi maloko.
Samantala, kinumusta naman namin ang pagsasama nina Glydel at Tonton Gutierrez. Isa kasi sila sa mga showbiz couple na masasabing successful ang married life.
Sampung taon na silang kasal ni Tonton pero ni isang negatibong issue tungkol sa kanilang pagsasama ay wala kaming narinig.
Ayon kay Glydel, trust and honesty ang dalawa sa mga isinasabuhay nila para mapanatiling maayos ang kanilang pagsasama.
Wala nga raw siyang matandaan na major-major away nila, puro petty quarrel lang daw ang ine-emote nila. “Lagi kong sinasabi kay Ton, kung maghihiwalay man kami, hindi dahil sa akin, kundi dahil sa kanya.
Kasi ako, devoted wife and mother talaga ako kaya sabi ko sa kanya, hinding-hindi ako magloloko or what, ewan ko sa kanya. Ha-hahaha!” pahayag pa ng aktres.
Speaking of the latest GMA series na Ang Lihim Ni Annasandra, gaganap bilang Belinda Vergara si Glydel, siya ang loving mother ni Annasandra na gagampanan nga ni Andrea Torres na isang napakagandang babae pero may itinatago ngang sikreto – isa siyang taong-baboy ramo.
Ayon kay Glydel, isa na namang challenge ito para sa kanya. Ibang-iba naman daw ang magiging atake niya sa role niya rito kesa sa ipinakita niya sa My Husband’s Lover bilang nanay ni Carla Abellana.
Bukod kina Andrea, Glydel at Mikael, makakasama rin sa Ang Lihim Ni Annasandra sina Pancho Magno, Rochelle Pangilinan, Arthur Solinap, Emilio Garcia, Isabel Lopez, at ang 1985 Bb. Pilipinas-Universe winner na si Joyce Burton.
Magsisimula na ang nasabing serye ngayong Oktubre sa GMA Afternoon Prime.
( Photo credit to EAS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.