Mga Laro Bukas
(The Arena)
2 p.m. Perpetual Help vs Letran
4 p.m. Lyceum vs St. Benilde
Team Standings: San Beda (9-2); Arellano (9-2); Perpetual Help (6-4); JRU (6-4); St. Benilde (6-4); Lyceum
(5-5); Letran (4-6); EAC (3-7); San Sebastian (3-8); Mapua (1-10)
NANATILING magkasalo ang San Beda at Arellano sa unang puwesto nang nanaig sa San Sebastian at Mapua sa 90th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nadugtungan ni Ola Adeogun ang magandang ipinakita sa huling laro sa kinamadang 18 puntos at 15 rebounds pero si Baser Amer ang siyang naghatid ng mga mahahalagang puntos sa endgame para maikasa ang 86-79 panalo sa San Sebastian.
May double-double na 15 puntos at 10 assists si Amer pero ang kanyang 3-pointer ang nagsantabi sa pagdikit ng Golden Stags sa tatlong puntos, 69-72, at nagtulak sa Red Lions para umabante sa 9-2 karta.
“We didn’t play with enough intensity in the fourth quarter,” sabi ni San Beda head coach Boyet Fernandez. “Good thing Baser was there.”
Tumapos pa si Arthur dela Cruz bitbit ang 14 puntos habang si Kyle Pascual, na pinalad na napili sa PBA Rookie Draft noong Linggo, ay naghatid pa ng 12 puntos at siyam na rebounds para sa Red Lions.
“I’m really proud of my guys. It goes to show that San Beda is one of the best basketball programs in the country today,” dagdag pa ni Fernandez.
Bumaba ang Stags sa 3-8 karta at nalasap ang ikapitong sunod na kabiguan at nawalan ng saysay ang pagsisikap nina Bradwyn Guinto at Jaymar Perez na tumapos taglay ang 29 at 23 puntos.
Kinailangan din ng Chiefs na magpakatatag sa matinding hamon ng Cardinals sa kinuhang 82-79 panalo sa ikalawang laro.
Si Jiovani Jalalon ang nagpreserba sa panalo ng Arellano sa apat na krusyal na puntos sa free throw line sa huling 12.1 segundo ng laro para makisalo pa rin sa unang puwesto sa 9-2 kartada.
Ang naunang dalawang free throws ni Jalalon ang nagbigay sa Chiefs ng 80-76 kalamangan pero pinakaba uli ng Cardinals ang mga panatiko ng katunggali sa tres ni Carlos Isit para dumikit sa isang puntos.
Binigyan ng foul ni Isit si Jalalon tungo sa dalawa pang free throws bago sumablay ang pinakawalang 3-pointer ni Hesed Gabo tungo sa pagbaba pa ng Mapua sa 1-10 baraha.