NATUTUWA ako sa balitang kinasuhan na sa Ombudsman ang mga appointee ni PNoy sa National Food Authority (NFA) pati na rin ang mga taga- National Irrigation Administration (NIA) na parehong mga bata ni Agriculture Sec. Proceso Alcala.
Ang kontrata na P1.08B ay para sa rice-cargo handling ng imported na bigas mula Vietnam na nakuha ng Avega corporation nang walang bidding. At ang mga kinasuhan ay sina NFA administrator Orlan Calayag at Special Asst. Dennis Guerrero na siya ring “chief of staff” ngayon ni Sec. Alcala.
Overpriced ng $3 bawat metric ton ang kabuuang 800,000MT na binili ng NFA sa Vietnam. Ibig sabihin, merong kickback na $2.4 milyon o P102.7 milyon at ito’y sa paghakot pa lamang ng bigas.
Enero lang nitong taon na-appoint itong si Calayag matapos magbitiw si dating administrator Lito Banayo na meron ding mga ilegal na ginawa diyan sa NFA.
Sa kaso ng NIA, P119 milyon na irrigation projects ang pinagkaperahan naman ng mga opisyal dito, ayon sa PNP-CIDG na siyang nag-imbestiga. Umabot sa 53 katao, sa pangunguna nina NIA regional directors Modesto Membreve, Dexter Patrocinio at Caraga RD Encarnacion Soriano ang kinasuhan ng graft at paglabag sa procurement law.
Ang tindi ng grupong ito lalo pa’t ang kinulimbat daw nila ay mga proyekto para sa mga nasalanta ng Supertyphoon Pablo sa Caraga region tulad ng Agusan del Norte.
vvv
Samantala, totoo rin kaya ang balita na ang Dennis Guerrero na kinasuhan na reporting directly daw kay Sec. Alcala ay siya ring “hatchet man” ni Alcala?
Mabuti na lang at si dating Sen. Kiko Pangilinan, bilang bagong Presidential Adviser on Food Security, ay pursigido sa pagsugpo sa mga anomalya diyan sa NFA at NIA.
Pero talagang magulo na sa NFA, lalot siya at si DILG Sec. Mar Roxas pati ang bagong NFA administrator Arthur Juan ay nangotong daw ng P15-M mula sa rice trader .
Ayon kay Jojo Soliman na nagsampa ng demanda sa NBI, kumpleto ang text messages niya kay Juan pati na mga bank deposit slips para kay Pangilinan at Roxas at “cash” naman kay Juan. Di tuloy malaman ng tao kung sino ang nagsisinungaling dito kung si Soliman, Pangilinan o Juan, kayat NBI ang nag-iimbestiga ngayon.
vvv
Sa parehong katiwaliang ito, galing sa iisang ahensiya ang mga pinagmulan nito. Dapat lang sigurong magkaroon ng hiya itong si Sec. Alcala. Malakihan ang mga anomalyang ito na kumakatok sa kanyang pinto lalo pa dawit ang mismong chief of staff niya.
Iyong sa NIA, mismong si PNoy na ang nagpaimbestiga at ilang ulit pang binatikos sa nakaraang SONA. Dito naman sa NFA, maliwanag pa sa sikat ng araw ang higit isang bilyong trucking contract ang walang bidding at sangkot pa ang kanyang “chief of staff.” Gagalaw ba itong si Dennis Guerrero nang walang basbas ni Alcala?
Por delicadeza, magsumite na sana itong si Alcala ng “irrevocable resignation.” Huwag na niyang hintaying sibakin pa siya ni PNoy.