Ex-‘bagman’ ang sisira sa mga Binay

KUNG aanyayahan ng Senate subcommittee na nag-iimbestiga sa overpricing ng Makati parking building si dating Vice Mayor Nestor Mercado, mas marami silang makukuhang kuwento tungkol sa mga Binay.

Ang mga Binay—si Vice President Jojo at ang kanyang anak na si Mayor Junjun—ay iniimbestigahan ng Senado tungkol sa overpricing.

Si Mercado at Vice President Jojo ay malapit na magkaibigan, pero nagsolian sila ng kandila.

Si Mercado ay dating vice mayor at alleged bagman ni Jojo Binay noong siya’y mayor ng Makati.

May kasabihan na kapag gusto mong malaman ang masamang ugali ng isang tao ay kausapin mo ang kanyang dating kaibigan at naging kaaway.

Naghiwalay ng landas si Mercado at Jojo Binay nang di tinupad ng huli ang kanyang pangako na gagawin niyang successor si Mercado sa Makati.

Sa halip na suportahan si Mercado sa kanyang pagtakbo bilang mayor ng Makati, pinatakbo ni Jojo ang kanyang anak na si Junjun at kinalaban si Mercado.

Si Junjun noon ay councilor ng lungsod.

Di raw tinupad ni Vice President Jojo ang kanyang pangako kay Mercado dahil kinontra siya ng kanyang asawang si Elenita na suportahan si Mercado at sa halip ay patakbuhin ang kanilang anak na si Junjun.

Tinalo ni Junjun si Mercado sa pagka-alkalde ng premier city.

Maraming malalaman ang publiko tungkol sa mga Binay kay Mercado kapag tumestigo ang da-ting vice mayor sa Senado.

Ibibisto ni Mercado ang mga pagbili ng mga lupain ng mga Binay sa Makati at kung saan nila kinuha ang ipinambili.

Malalaman ng publiko kung saan nila kinuha ang kanilang kayamanan.

Si Jojo ay ipinanganak na mahirap.

Bago siya nahirang na acting officer in charge sa Makati noong mga unang araw ni Pangulong Cory Aquino, siya ay mahirap na human rights lawyer.

Naging mayaman si Jojo at ang kanyang pa-milya sa pagpapatakbo ng premier city ng bansa.

Hinirang ni Pangulong Noynoy si dating Solicitor General Francis Jardeleza bilang ika-173 Supreme Court associate justice dahil gusto niyang gantihan ang Mataas na Hukuman.

Nais inisin ng pangulo si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na bumoto sa pagiging unconstitutional ng Development Acceleration Fund (DAP) ng Malakanyang.

Umasa si P-Noynoy na papabor si Sereno sa DAP.

Inapoint kasi ni Noynoy si Sereno kahit na maraming kumontra kay Sereno dahil sa kanyang pagiging batang edad.

Inakala ni P-Noynoy na susuklian ni Sereno ang pabor na binigay sa kanya ng Pangulo.

Ang pagkakahirang kay Jardeleza ay parang sampal sa pangkalahatang Supreme Court dahil si Jardeleza, bilang government lawyer, ang nagdepensa ng DAP sa Mataas na Hukuman.

Muling ipinakita ni Noynoy ang kanyang pagiging bengatibo.

Maraming taon na ang nakararaan nang si Maj. Gen. Ponciano Millena ay na-appoint na commandant ng Philippine Marine Corps kahit na maraming kumontra sa kanyang appointment na kapwa niya mga opisyal.

Sinabi ng mga kapwa opisyal ni Millena na mainitin ang ulo niya at puno ng galit ang kanyang puso.

Kilala ni Millena ang mga detractors niya na naging subordinates niya nang siya’y nahirang na lider ng Philippine Marines.

Sa halip na gantihan ang mga taong nanira sa kanya, pinatawad sila ni Millena at hiningi niya ang kanilang suporta sa pagpapatakbo ng pinaka-disiplinadong unit ng Armed Forces.

Binigyan pa ng magagandang puwesto ni Millena ang kanyang dating mga kaaway.

Dahil sa kanyang ma-gandang pamamalakad, si Millena ay itinuturing na isa sa pinakamagaling na commandant ng Philippine Marine Corps.

Kung si Noynoy ay gayahin sana si Millena sa pagpapatakbo ng bansa, baka maging magaling din siyang pangulo.

Read more...