HINDI malubha ang injury ni Jason Castro tulad ng pinangangambahan ng mga opisyales ng Gilas Pilipinas at ang maliksing point guard ay nagbalik aksyon kontra Angola sa kanilang tune-up match kahapon.
Kinikilala bilang pinakamahusay na point guard sa Asya, si Castro ay nagkaroon ng injury sa kanyang right ankle matapos ang masamang pagbagsak sa laro kontra Euskadis sa kanilang tune-up game noong Miyerkules at dumaan agad siya sa isang MRI test na nagpakita na walang seryosong nangyari sa kanyang kanang paa.
Subalit namamaga pa rin ang right ankle ni Castro na nakapaglaro lamang ng 15 minuto laban sa Angola at hindi rin siya nakatulong sa kanyang koponan na nalasap ang ikalimang sunod na pagkatalo sa kanilang tune-up series sa iskor na 83-74 sa larong ginanap sa San Sebastian, Spain.
Bagamat nakapagtala ng 33 puntos at 17 rebounds ang NBA veteran at naturalized center ng Gilas na si Andray Blatche, ang mga Pinoy cagers ay hindi nagawang makaporma sa mga Angolans na biglang kumawala matapos ang dikitang laban sa unang yugto.
( Photo credit to inquirer news service )