GILAS SASAGUPA AGAD SA IRAN SA INCHEON ASIAD

MAKAKASAGUPA agad ng Pilipinas ang isa sa pinakamatinding katunggali nito sa Asian basketball matapos malagay sa magkaparehong grupo sa men’s basketball competition ng 17th Asian Games sa Incheon, South Korea sa susunod na buwan.

Ang Gilas Pilipinas, ang FIBA Asia Men’s Championship silver medalist, ay makakagrupo ang basketball powerhouse at gold medalist ng nasabi ring torneo na Iran sa Group E. Ang groupings ay inilabas kahapon sa official Twitter account ng 2014 Asian Games.

Ang Pilipinas at Iran ay awtomatikong umabante sa preliminary round ng torneo matapos na mapabilang sa Top 8 teams sa ginanap na 16th Asian Games sa Guangzhou, China. Ang mga Pinoy ay lumapag sa ikaanim na puwesto habang ang mga Iranians ay nasungkit ang tansong medalya noong 2010.

Makakasama ng Pilipinas at Iran sa preliminary round ang Guangzhou Asiad gold medalist China, second placer at host South Korea, Japan, Qatar, Jordan at Chinese Taipei.

Ang China at Chinese Taipei ay magkagrupo sa Group C, ang South Korea at Jordan ay nasa Group D habang ang Japan at Qatar ang bumubuo sa Group F.

Ang apat na grupo ay binubuo ng tatlong koponan kung saan ang ikatlong koponan sa grupo ay manggagaling mula sa apat na koponang makakalusot sa qualifying phase ng torneo.

Ang dalawang mangungunang koponan mula sa bawat grupo ng preliminaries ay aabante naman sa quarterfinal round.

Ang Gilas lineup sa Asiad ay kinabibilangan nina naturalized center at NBA veteran Andray Blatche, Jason Castro, LA Tenorio, Gabe Norwood, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo at ang mga bagitong sina Paul Lee at Jared Dillinger.

Ang Asian Games men’s basketball ay gaganapin sa Setyembre 20 hanggang Okutubre 4.

Target ng Pilipinas na mauwi ang una nitong Asian Games gold magmula noong 1962 sa Jakarta, Indonesia.

Read more...