API na nga dahil sa iba’t ibang nakababaliw na mga ordinansa ng LGUs (local government units) ang mga rider, mas dumami pa ang nakawan ng motorsiklo ngayong 2014, simula Enero hanggang Hunyo, ayon sa tala ng Highway Patrol Group. Kung 304 lang ang kinarnap na mga kotse at iba pang sasakyang apat ang gulong, 2,866 naman ang kinarnap na motorsiklo’t scooter. Sa madaling salita, 15 motor ang ninanakaw sa 16 na motor. Kahindik-hindik iyan. Kawawa talaga ang rider.
Inamin ni HPG director Chief Supt. Arrazad Subong na mas madaling nakawin ang motor at scooter. Totoo iyan. At diyan pa lamang, api na ang rider dahil hindi napipigilan ng puslisya ang pagnanakaw ng motor at scooter. Ang mga rider ang nagpapasuweldo sa pulisya, bilang taxpayer.
Noong nasa serbisyo pa si Anthony Rodolfo, madalas lusubin ng Quezon City police ang mga tindahan ng piyesa sa Banawa at mga kalyeng malapit o nasa likod nito. May mga pangyayari na ang piyesang nasamsam ay natutunton kung saang sasakyang nilapa. Ang batalya ng motor ay may numero. May numero din ang makina. Pero, kahit na may numero ay hindi gumagawa ng paraan ang gobyerno para matunton kung saang galing na motor at scooter ang piyesa. Ang bawat motor at scooter na binili ay may pangalan ng may-ari. Ang mga numero ang nag-uugnay sa mga may-ari. Pero walang ginagawa para matunton ang ninakawang rider. Api na naman ang rider.
Ang pagbasura ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa ordinansang plaka vest ay patunay na natinag na ng napakaraming rider ang mga politiko. Halos 50,000 riders ang nagprotesta at nag-motorcade sa pangunahing mga lansangan sa QC para tutulan ang ordinansa. Nang palibutan ng 20,000 motorsiklo at scooter ang City Hall ay wala nang behikulo na makapasok dito at naging security threat na ang mga rider. Botante rin naman ang mga rider kaya’t ang nagngangalit na damdamin ay ihahayad nila sa balota sa 2016. Nabahag ang politiko.
Marahil, 20 taon simula ngayon ay malalaman na kung sino talaga ang utak sa pamamaslang kay Sen. Benigno Aquino Jr. Iniluklok ng militar sa puwesto si Corazon Aquino, pero hindi niya isinulong ang pagtunton sa utak ng pagpatay sa kanyang asawa. Mahigit apat na taon na sa puwesto si Benigno Simeon pero wala rin siyang interes kung sino talaga ang utak. Kapag natunton na ang tunay na nagplano at nagpondo ng pamamaslang ay baka manindig ang balahibo ng inakalang hindi siya ang utak. Babaguhin nito ang nilalaman ng kasaysayan at magiging mali ang pagpupuyos ng taumbayan sa EDSA 1.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): May reklamo ako sa mga gumagawa ng motorsiklo. Ayusin naman nila ang pag-ukit ng numero sa chassis. Kapag kinalawang ang numero ay pinagkakarehan ito ng mga taga-LTO dito sa amin. Agen ng Mindanao.
Permanente na yata ang grupo ng anti-smoke belching dito sa Commonwealth ave., Fairview. Pero, hindi nila pinapara ang mauusok na pampasaherong jeepney pa-Philcoa. Ang pinapara nila ay delivery trucks, na alam nila na ang mga driver ay pinababaonan ng panlagay sa mga checkpoint. Abner Solis …9022,
Paki sabi kay Pacman, magsimula na siyang mag-ensayo. Matikas si Algueri at mas maganda ang katawan kesa sa kanya. Baka matulog siya sa boksidor na di kilala. …8940.
Kailangang ipa-rehab na at tanggalin sa trabaho ang mga pulis na dating bata ni Gob. Pax. Naghahasik sila parati ng lagim dito sa Tacurong City. …8803