Tarayan nina Bea at Maricar totohanan na?

BEA ALONZO AT MARICAR REYES

Aminado ang Movie Queen ng bagong henerasyon na si Bea Alonzo na natutuwa siya sa tuwing may maiinit na komprontasyon ang mga karakter nila ni Maricar Reyes sa top-rating primetime drama series ng ABS-CBN na Sana Bukas Pa Ang Kahapon.

“Nag-eenjoy kami lagi ni Maricar tuwing nag-aaway at nagtatarayan kami sa mga eksena namin bilang si Sasha at Rose,” pahayag ni Bea kamakailan nang mag-renew siya ng kanyang two-year contract sa Kapamilya network.

“Nakakatuwang gawin ‘yung away scenes dahil sa totoong buhay hindi namin ‘yun ginagawa. Challenge para sa amin na gawing kapani-paniwala sa viewers ‘yung tarayan at sagutan namin,” ani Bea kaugnay ng kanilang roles na mainit na pinag-uusapan maging sa social networking sites.

Taliwas sa alitan ng kanilang mga karakter sa Sana Bukas Pa ang Kahapon, sinabi ni Bea na maayos ang samahan nila off-cam ni Maricar at ng kanyang leading man na si Paulo Avelino na gumaganap sa kwento bilang si Patrick, ang lalaking kapwa mahal nina Rose at Sasha. Aniya, “Lagi kaming nagtatawanan nina Maricar at Paulo sa set. Dahil sa soap na ito, mas naging close kami sa isa’t isa.”

Sa ilalim ng Dreamscape Entertainment Television, ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon ay mula sa direksyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan at napapanood pa rin gabi-gabi pagkatapos ng Ikaw Lamang sa ABS-CBN Primetime Bida.

Read more...