BILANG bahagi ng Kadayawan Festival sa Davao City ay ihahatid ng MP Promotions ang ‘Tibay ng Pinoy 4’ fight card sa Sabado, Agosto 23, sa Almendras gym.
Mag-uumpisa ang mga laban dakong alas-6 ng hapon. Sa main event ay makakasagupa ni International Boxing Federation (IBF) International super flyweight champion Jerwin “The Pretty Boy” Ancajas ng MP Promotions Davao ang bisitang si Rochmad Santoso ng Indonesia sa isang 10-round, non-title fight.
Sa isa pang main event ay magtatapat sina Aston “Diego Corales” Palicte ng MP Promotions Davao at Franvis Damur Plue ng Indonesia sa isang 10-round, 115-pound duel.
Si Ancajas, na tubong Panabo City, ay galing sa isang first round knockout win laban kay Petchwanchai Sor Visetkit ng Thailang noong Pebrero 3 sa University of South Eastern Philippines Gym, Bo. Obrero, Davao City.
Pakay ng 22-anyos na si Ancajas na makapagtala ng isa pang maigting na panalo sa Sabado para makalapit sa minimithing legitimate world title fight.
Siya ay may ring record na 20 panalo, isang talo, isang draw at 12 knockout wins. Si Santoso naman ay may 11 panalo, tatlong talo at anim na KOs.
Si Palicte ay galing sa first round victory kay Robel Villegas noon ding Pebrero 3. Siya ay may record na 14 wins, 10 KOs at isang kabiguan.
Ang kalaban niyang si Palue ay mas matanda sa kanya ng apat na taon ngunit mayroon lamang siyang record na pitong panalo, tatlong talo, dalawang draw at tatlong KOs. Ang boxing card na ito ay bukas sa publiko.