Venous hypertension: parang bulate sa binti

VARICOSE veins o varicosities ay nakababahala lalo na sa mga banidosa dahil ito’y nakakasira sa “wow legs”.
Mababaw na dahilan lamang ito para problemahin, lalo na ng mga kababaihan sapagkat marami pang mas mabigat na karamdaman ang maaaring idulot nito.

Ang veins ay parte ng mga ugat sa katawan na nagdadala ng dugo pabalik sa puso. Hindi mataas ang presyon sa loob nito nguni’t kung ito ay lumuluwag na, tumataas ang “venous pressure” kung kaya’t lumulobo ito at ang mga balbula nito ay hindi na nakakapigil sa “backflow” ng dugo palayo sa puso, kabaligtaran ng dapat na direksyon nito.

Sa ganitong sitwas-yon, nakikita ang varicose vein na malalaking ugat na kulay asul at berde, ang hugis ay parang ahas na minsan ay nakapulupot, at mayroon pang mga maliliit na mapupulang ugat na animo’y gagamba (spider angiomata).

Dahil sa venous hypertension, sumasakit ang mga ugat sa binti at kung minsan pa ay namamaga (Phlebitis). Kapag masyadong mabagal ang daloy ng dugo, maaring mamuo ang dugo at magkaroon ng “blood clots” (Thrombophlebitis). Delikado ang kundisyon na ito dahil may posibilidad na lumakad ang “thrombus o blood clot” papunta sa baga (Pulmonary Embolism), isang “emergency situation” na dapat matugunan agad, na maaaring maging sanhi ng pagkasawi kung hindi maagapan.

Madalas din makitang namamanas ang mga binti hanggang talampakan kapag may venous hypertension. Kapag matagal na ang kundisyon na ito, nangingitim (hyperpigmentation) at nagiging makapal at magaspang ang balat sa binti. Minsan ay nagsusugat pa ito (Venous Ulcer) at kung may impeksyon, mabaho ang amoy ng sugat. Nahihirapan na maglakad ang may varicose vein dahil sa bigat ng mga binti, at sa sakit na nararanasan. Minsan naman ay nawawalan din lang ng balanse.

Paano maiiwasan ito at anong klaseng pag-gamot ang nararapat ibigay rito?

Umpisahan natin sa pagbawas ng pamamanas sa pamamagitan ng pagtaas ng mga paa kapag nakahiga at natutulog, ipatong sa isa o dalawang unan. Iwasan ang nakatayo ng matagal at kung hindi maiwasan, mag-lagay ng “compressive stockings.”

May iniinom na gamot kapag namamaga ang varicosities. Kung sobra nang malalaki at masakit, mas agresibo na estratehiya ang ginagawa, gaya ng “Vein Stipping, Endoluminal Laser at Sclerotherapy.”

Huwag pabayaan ang varicose veins dahil posible itong mag-dulot ng kumplikasyon.
Tune in to DZIQ Radyo Inquirer 990am every weeknight 8-9:00pm for your “RADYO MEDIKO” program. Join the LivLite Revolution every Tuesdays and Thursdays in RADYO MEDIKO.

Inaanyayahan ko kayong magpadala ng inyong mga katanungan tungkol sa kalusugang pisikal, pangkaisipan, pang-damdamin o pang-puso, at pang-espirituwal sa 09999858606.

 

Read more...